“Magbagong-buhay kayo…!” Ito ang sigaw-paanyaya ni Juan Bautista sa ebanghelyo natin ngayong ika-2 linggo ng Adbiyento. Si Juan Bautista ang tinutukoy ni Propeta Isaias—isang tinig sa disyerto na sumisigaw na maghanda ng daan para sa Panginoon.
Noong nakaraang lingo, narinig natin ang babala ni Hesus na magbantay at maghanda sapagkat darating ang “Anak ng Tao” nang hindi inaasahan tulad nang dumating ang baha noong panahon ni Noe. Ang sigaw paanyaya ni Juan Bautista na “Magbagong-buhay kayo…”ay isang propesiya sa babala at paalaala ni Jesus. Paanyaya ito sa pagsisisi sa kasalanan at pagbabalik-loob sa Diyos—isang tawag na lumayo sa landas ng paghahanap ng kaligayahan at kapayapaang makalupa. Hinahamon ni Juan Bautista ang mga Pariseo at Saduseo na patunayan ang kanilang pagbabagong-buhay, at “sibakin” ang anumang “punong hindi namumunga nang mabuti.” Magbibigay ng hatol ang Panginoon hindi ayon sa panlabas na anyo., o sa mga sabi-sabi (Is 11:3). Hahatulan tayo batay sa ating kalooban.

Ang pagbabago ng isang tao ay isang desisyon–isang salitang nagmula sa Latinong “decidere” na ang kahulugan ay “putulin” o “sibakin”. Ang bawat desisyon ay may katumbas na “pagpuputol”ng mga hindi mabuti at kung kinakailangan, kahit na ng mabuti. Ito ay ang pagtanggi rin o pagbitiw maging sa magagandang pagkakataon, upang makamit ang mas makabubuti para sa nakararami. Ang pagputol o pagsibak ay laging may kalakip na sakit at may hinihinging pagtitiiis o pagpapakasakit. Halimbawa na rito ang pagsusuot ni Juan ng balahibo ng kamelyo at pagkain ng balang. Ang pagpapasya ay isang pagpili. Ayon nga kay Padre James Alberione, ang tagapagtatag ng Pamilya Paolino, anumang pinili mo (bokasyon) sa buhay na ito ay siya na ring pinili mo para sa kabilang buhay.
Matagal nang dumating ang usbong ng pagmamahal ng Panginoon upang sa atin ay matanim at manirahan. Dahil nga sa kagandahang-loob ng Diyos ay paulit-ulit siyang bumabalik sa ating kaloob-looban bagamat nalilihis tayo ng landas. Walang sawa niyang pinatitibok ang ating mga puso upang ang pag-ibig niyang doon umusbong ay lumago at magkabunga sa atin at sa pamamagitan natin. Ito ang diwa ng Emmanuel—”Diyos -kasama natin.”
Ngunit mangyayari lang ito kung una sa lahat, magpapasya tayong maghanda sa pagpasok ng Diyos sa ating buhay: ang pagpuputol ng mga talahib ng sama ng loob at pagdidilig ng tubig ng pagpapatawad upang ang sariwang usbong ng pagmamahal ng Diyos ay magkaroon ng puwang sa atin. Ang pagbabagong-buhay ay nangangailangan ng katapatan at katatagan sa desisyong ating pinili.
Sa paghihintay at paghahanda natin sa pagbabalik ng Panginoon sa ating “ka-loob-an” suriin nating muli ang ating mga puso. Ano nga ba ang kailangan nating baguhin sa ating buhay upang mangibabaw ang kabutihan at kagandahang-loob ng Diyos? Ano ang kailangang putulin o sibakin upang ang sariwang usbong ng pag-ibig ng Diyos ay magkaugat at mamunga sa atin? Ano ang bagong landas na dapat tahakin upang matagpuan ang tunay na kaligayahan at kapayapaan? Mangyari nawang maging bahagi naman ito ng ating sigaw-tugon sa Panginoon.
~ Sr. Mary Anthony E. Basa, PDDM ~
No comments:
Post a Comment