Dakilang Kapistahan ng Banal na Mag-anak:
“Ipinagdiriwang natin sa araw na ito ang Kapistahan ng Banal na Mag-Anak. Nakalulungkot isipin na habang ipinagdiriwang natin ang kapistahang ito, may ilang mga bata ang wala sa piling ng kanilang mga magulang dahil mas ligtas daw kasi sila kung malayo sila sa mga taong dapat mag-alaga sa kanila. May ilang mga babaing hindi makauwi sa kanilang mga tahanan dahil sa pambubugbog ng kanilang mga asawa. May ilang mga matatanda na pipikit na lamang ang mga mata, na hindi man lang nasisilayan ang ngiti sa labi ng mga anak na dati nilang pinaghele-hele.
“Ipinagdiriwang natin sa araw na ito ang Kapistahan ng Banal na Mag-Anak. Nakalulungkot isipin na habang ipinagdiriwang natin ang kapistahang ito, may ilang mga bata ang wala sa piling ng kanilang mga magulang dahil mas ligtas daw kasi sila kung malayo sila sa mga taong dapat mag-alaga sa kanila. May ilang mga babaing hindi makauwi sa kanilang mga tahanan dahil sa pambubugbog ng kanilang mga asawa. May ilang mga matatanda na pipikit na lamang ang mga mata, na hindi man lang nasisilayan ang ngiti sa labi ng mga anak na dati nilang pinaghele-hele.
May mga nakalulungkot mang mga kuwento, hindi ito dahilan upang hindi na ipagdiwang ang araw na ito. Natatangi ang araw na ito dahil walang sinuman sa atin ang walang pamilya. Bawat isa ay nagmula sa isang pamilya– buo man ito o hindi. Ang mahalaga ay pinagsisikapan nating gawing tunay na mag-anak ang ating mga pamilya at ang ating lipunan.
Gabay natin ang mga pagbasa ngayon sa tungkulin na dapat gampanan ng bawat isa sa loob ng isang pamilya:
Mag-asawa - Sinabi ni Pablo na kailangang sundin ng babae ang kanyang asawa, samantalang sinabihan naman niya ang mga lalaki na mahalin at huwag pagsungitan ang kanilang mga may-bahay. May kanya-kanyang obligasyon ang mag-asawa sa isa’t-isa. Obligasyong hindi nanunupil o nang-aalipin dahil nakabatay ito sa paggalang at pagmamahal sa isa’t-isa, tulad ng pagmamahal ni Hesus sa kanyang Simbahan, at pagtalima naman ng Simbahan sa kalooban ng Panginoon.
Mga Magulang - Mababanaag naman sa Ebanghelyo ngayon ang tungkulin ng mga magulang. Si Jose ang unang halimbawa natin. Pinangalagaan ni Jose sina Maria at Hesus. Subalit hindi siya basta nagpasya lamang para sa buhay ng kanyang mga mahal; bawat hakbang niya ay dala ng kanyang pakikinig sa nais ng ng Ama sa langit. Itinakas niya ang mag-ina papuntang Egipto at pabalik sa Nazaret matapos niyang marinig ang nais ng Diyos. Siguro, mas magiging bukas ang komunikasyon ng mag-anak kung nagaganap ito sa loob ng sabay na pakikinig sa kalooban ng Ama sa langit.
Samantala, bukod kay Jose, ang Diyos Ama mismo ang modelo ng mga magulang. Sa kuwento ng pagtakas at pagbabalik mula sa Egipto, nasaksihan natin ang presensiya ng Ama. Subalit hindi ito presensiyang namimilit; sa halip, naroroon lamang siya at nangangalaga sa atin. Sa Ebanghelyo ngayon, nadarama natin ang kanyang mga kamay habang ginagabayan niya ang mag-anak ni Jose. Walang sandali sa kasaysayan ng pagliligtas na wala doon ang kamay ng Ama. Ngunit sa lahat ng ito, nag-aanyaya lamang siya at naghihintay sa pagtalima ng tao - walang pamimilit. Siguro ganito rin ang hamon sa mga magulang. Tulad ng Diyos Ama sa langit, dapat na lagi silang naroroon at handang dumamay; tulad din ng Ama, naroroon din ang mga magulang na tatawag at gagabay sa tamang landas, subalit magbibigay pa rin ng pagkakataon upang ang anak mismo ang magpasya sa nararapat matapos na ipakita sa kanila ang tamang daan.
Mga Anak - Ipinahayag ni Moises na tungkulin ng mga anak na galangin at mahalin ang kanilang mga magulang ( Sir 3:2-6). Wika naman ni San Pablo, dapat sundin ng mga anak ang payo ng kanilang mga magulang (Col 3:18-21). At sa sandali ng katandaan ng kanilang mga magulang, tungkulin ng mga anak na pangalagaan at kandiliin ang mga ito (Sir 3:12-14).
Buong Mag-anak - Nagbigay din ng tagubilin si Pablo sa buong mag-anak. Sa isang pamilya, umiiral dapat ang habag, kabutihang-loob, kababaang-loob, kabaitan, kalawakan ng pang-unawa, pagpapatawad, pagbibigayan, at pagpapalakas ng loob ng isa’t-isa. Subalit higit pa sa mga ito, kailangang ang bawat isa ay maging tagapag-akay ng kapamilya tungo kay Kristo (Col 3:12-17). Mahirap magkaroon ng isang perpektong pamilya. Tiyak na may papalya sa pagsasabuhay sa mga tungkulin. Subalit hindi mahirap mahalin ang mga kapamilya. At ito ang mas mahalaga.
~ Atty. Arnold R. Martinez ~
No comments:
Post a Comment