Si Kristo ay tunay na hari. Pinatututnayan ito ni Padre Gabriele Amorth, isang kilalang Exorcist sa Roma. Ayon sa kanya sa tuwing nagsasagawqa siya ng exorcism (pagpapalayas ng demonyo o anumang masamang espiritu) sa mga tao, napapaluhod pati ang mga demonyo sa tuwing dinarasal niya ang bahagi ng awit na hango sa Sulat ni San Pablo sa mga taga-Filipos: “Anupat ang lahat ng nilalang na nasa langit, nasa lupa at nasa ilalim ng lupa ay maninikluhod at sasamba sa pangalan ni Hesus” (2:10).
Ang paggunita sa Maringal na Kapistahan ni Kristong Hari ay pormal na itinatag ni Papa Pio XI noong ika-11 ng Disyembre 1925 sa kanymag sulat-ensiklikal Quas Primas. Isinulat ito bilang tugon noon sa lumalaganap na erehiya ng anti-clericalism na nagsasabing hindi kailangan ng tao ang pananampalataya o relihiyon sa kanyang pang-araw-araw na buhay. Ang maling paniniwalang ito ay nagdulot ng maraming malagim na pangyayari sa kasaysayan ng Iglesya kung kalian maraming mga pari at mga relihiyoso ang ikinulong at pinatay. Maraming mga simbahan at mga gusaling pangrelihiyon ang ipinasara at ipinagiba. Sa gitna ng mga ito, nangibabaw angtinig ng Santo Papa na nagbigay-diin sa pangangailangang kilalanin at tanggapin si Hesu-Kristo bilang Hari ng mga puso dahil Siya ang Haring nag-uumapaw sa pag-ibig at awa.(QP,7).
Nasasaad pa sa Quas Primas na si Kristo ay Hari dahil siya ang Tagapagligtas at Tagapagbigay ng Batas. Sa Sulat ni San Pablo sa mga taga-Colosas, sinasabing iniligtas tayo ng Diyos “sa kapangyarihan ng kadiliman at inilipat sa kaharian ng kanyang minamahal na Anak” (1:13). Hindi na tayo hari ng ating sariling kasakiman, at sa halip ay nasa paghahari na tayo ng Tagapagligtas na siyang nagbigay sa atin ng Batas ng Pag-ibig. Tulad ng mga Israelita nang kilalanin nila si David bilang hari, kinilala rin natin si Hesus bilang tunay nating Hari sapagkat tayo ngayon “ay laman ng (kanyang ) laman at dugo ng (kanyang) dugo” (2 Samuel 5:1). Ngunit hindi tulad ni haring David na namatay rin, Si Kristong Hari natin at ng buong nilikha ay “ nabubuhay at naghaharing kasama ng Ama at ng Espiritu Santo, nagyon at magpakailanman.”
Tunay na isang dakilang kaloob (biyaya, pagpapala) ang paghahari ni Hesus sa ating buhay. Ngunit kailangan pa rin ang Malaya at buong pusong pagtanggap natin sa kaloob na ito. Sa ebanghelyo ni Lucas, makikita natin ang negatibo at positibong pagtugon ng Israel kay Hesus bilang Hari. Maging ang mga alagad ay nagkamali kung sino ang tunay na dakila at hari sa pamantayan ng kanilang Panginoon (22:24-30). Habang nakapako si Hesus sa Krus, nilibak siya ng mga tao: Kung ikas ang Hari ng mga Hudyo, iligtas mo ang iyong sarili” (23:27). Ang pinakamabuting pagtanggap kay Kristo ay nagmula pa sa isa sa mga salaring hinatulang ipako rin sa krus: “Hindi ka ba natatakot sa Diyos?...Matuwidlamang na tayo’y parusahan nang ganito dahil sa ating mga ginawa;ngunit ang taong ito’y walang ginawang masama...Hesus alalahanain mo ako kapag naghahari ka na” (23:40-42). Nakita niya at buong pananampalatayang tinanggap ang Paghahari ni Kristo kasabay ng taos-puso niyang pagsisisi sa kasalanan.
Maaaring magpatuloy at lalo pang tumindi ang paniniwala ng maraming tao ba sila ang hari ng kani-kanilang buhay at hindi na kailangang maghari pa si Kristo sa kanilang buhay. Patuloy din silang mabibigo sapagkat walang bagay o tao sa mundo na makatutugon sa pinakamalalim nilang paghahangad sa kapayapaan, kaligayahan at kaligtasan. Ang mabuting balita, ang tugon ni Hesus sa criminal na iyon ay tugon din niya sa sinuman at sa lahat ng naniniwala at tumatanggap sa Kanyang Paghahari: “Sinasabi ko sa iyo, nagyon din ay isasam kita sa Paraiso” (23:43).
~ David O. Reyes, Jr.
No comments:
Post a Comment