Sinisimulan natin ngayon ang panibagong taon ng liturhiya sa Unang Linggo ng Adbiyento . Ang Adbiyento ay tumutukoy sa “pagdating” ng Diyos. May tatlong “mukha” ang pagdating na ito ng Diyos. Una, hinihintay natin ang maluwalhating pagbabalik ni Hesus sa wakas ng panahon. Ikalawa, ginugunita natin ang unang pagdating ni Hesus mahigit na dalawanglibong taon na ang nakararaan– ang pagdiriwang ng unang pasko ng pagsilang ng Anak ng Diyos. Ikatlo, ang pagdating ni Hesus sa ating pang-araw-araw na buhay.
Inaalalayan tayo ng mga pagbasa sa Unang Linggo ng Adbiyento sa muling pagdating ni Hesu-Kristo sa wakas ng panahon. Sa ating pagsisimula, ipinaaalala naman sa atin ng ebanghelyo ang wakas. Nakakatakot na paalala ang nangyaring Baha noong panahon ni Noe na pumatay at pumawi sa lahat ng nabubuhay at umiiral sa balat ng lupa maliban kay Noe at mga kasama niya (tingnan Gen. 7). “Gayundin sa pagdating ng Anak ng Tao,”magiging mga abala ang mga tao sa napakaraming mga bagay at Gawain at wala silang kamalay-malay sa darating na wakas (tingnan Mt 24:37-41). Kaya nagpapaalala ang ebanghelyo tungkol sa paghahanda: “Kaya magbantay kayo sapagkat hindi ninyo alam ang araw ng pagdating ng inyong Panginoon” (b.42).
Sa pagdating ng Panginoon, ano ang mga bagay na dapat “wakasan” sa ating buhay upang maging ganap ang paghahari ng Diyos? Malinaw na ipinahahayag ni Propeta Isaias sa Unang Pagbasa na “sa huling araw...isasaayos (ni Yawe) ang mga bayan...Wala nang bansang magtataas ng tabak sa kapwa bansa; wala na ring magsasanay pa para sa digmaan”(bb.2,4). Samakatuwid, magkakaroon ng kapayapaan at kasaganaan dahil sa ang mga tao ay magtatanim sa halip na pumatay (“gagawing asarol ang kanilang mga sibat”). Magkakaisa na ang lahat ng bansa sa pagsamba kay Yawe at pagsunod sa kanyang landas at mga aral (tingnan b.3).
Makatotohanan ba ang pahayag na ito? Nasaan ang katuparan ng pangako habang patuloy nating nararanasan ang digmaan, kahirapan, at karahasan. Nananatiling watak-watak ang mga tao, nagkakagulo, nalilito, nagdurusa. Dumating na ang Anak ng Diyos. Natupad na ang ipinahayag ng Banal ng Kasulatan sa bibig ng mga propeta. Ano pa ang kulang?
Sa pagdating ng Diyos, kinakailangan ang pakikiisa ng tao upang maging mabisa at mabunga ang pakikipagtagpo ng Diyos sa tao. Pinangangaralan ni San Pablo ang mga taga-Roma at ang bawat isa sa atin “dito at ngayon”na “itakwil ang mga gawa ng kadiliman...huwag isantabi ang mga sandata ng kaliwanagan; mabuhay ng marangal...nang walang katakawan at paglalasing, walang kalaswaan at kahalayan, walang pagtatalo at inggitan; huwag sumunod sa hilig ng laman at sa mga pagnanasa nito” (13:12-14)
Walang nakaaalam sa tiyak na oras ng maluwalhating pagbabalik ng Panginoon sa wakas ng panahon. Ang pinakamabisang paghahandang magagawa natin ay ang pagiging mulat sa kanyang pagdating sa bawat yugto ng ating buhay sa araw-araw. Laging handa ang taong nakakakita at tumatanggap sa makapangyarihan at mapagpalang pagkilos ng Diyos sa bawat karanasan ng kaligayahan at kalungkutan, ng tagumpay at kabiguan, ng kalusugan at karamdaman, ng buhay at kamatayan.
Sa panahon ng Adbiyento, nagsusumamo tayo; “Halina, Hesus, halina! Marana tah!” Ang totoo, dumating na SIYA. Narito na siya! Handa ka na bang tanggapin siya?
- P. Alex Balatbat
No comments:
Post a Comment