“Kayo po ba ang ipinangakong darating?” Ang katanungan ni Juan Bautista at ng kanyang mga alagad ay katanungan din ng ating henerasyon. Sa gitna ng paghihirap, kawalan ng kapayapaan at katarungan sa lipunan, naghihintay din tayo kung kailan nga ba tayo pagiginhawahin ng Panginoong inaasahan natin.
Subalit ang katanungang ito ay tila unti-unti na ring nahahalo sa mga pangakong napapako, mga panandaliang kaginhawahan at lumilipas na kasiyahan. Sa panahong ito ng Adbiyento, ang tunay na diwa ng paghihintay sa ipinangakong darating ay unti-unti nang nilalamon ng mga materyal na pangangailangan natin at nang tila walang katapusang paghahangad na bumili, gumamit at magpasasa (konsumerismo). Unti-unti, mas pinahahalagahan na natin ngayon hindi ang pangakong darating, kundi ang pangako ng ating sariling galing at produkto ng ating gawa. Waring itinuturing na natin ang ating sarili bilang mga Diyos “na mayroon ngang mata, ngunit hindi makahinga; may tainga ngunit hindi makarinig; may daliri ngunit hindi makadama; may paa ngunit hindi makalakad” (tingnana Kar.15:15)
Subalit tinitiyak ng mga pagbasa natin ngayon ang ipinangakong darating at hinahamon tayo na tibayan ang ating loob at umasa sa Tagapagligtas. Pangunahing itinuturo ng ebanghelyo ayon kay Mateo na “dumating na sa inyo ang paghahari ng Diyos”(12:28)- si Hesu-Kristo. Sa ebanghelyo natin ngayon pinatutunayan ni Hesus na siya mismo ang paghahari ng Diyos. Ipinakikita niya na ang kanyang paghahari ay hindi panghuhusga at pamumuno, kundi biyaya ng kanyang pananatili sa piling ng mga nangangailangan. “Nakakakita ang mga bulag, nakakalakad ang mga pilay, gumagaling at lumilinis ang mga ketongin, nakakarinig ang mga bingi, muling nabubuhay ang mga patay, at ipinangangaral sa mga mahihirap ang Magandang Balita.” (Mt 11:5). Pinatutunayan ni Hesus na siya at wala ng iba ang ipinangakong darating, at sa katunayan, siya rin ang Diyos na buhay na aktibong nakikilahok sa kasaysayan ng sangkatauhan.
Sa pagdating ni Hesus ngayon sa hiwaga ng Eukaristiya, pinaaalalahanan tayo na huwag sumuko sa mga pagsubok. Sabi ni propeta Isaias; “Huwag kang matakot, lakasan mo ang iyong loob; narito, dumarating na ang inyong Diyos” (35:4). Kailangang tatagan natin ang ating loob at huwag magsisihan sa kabila ng hamon ng buhay (tingnan Jaime 5:8-9). Ito ay sa kadahilanang patuloy na lumalaganap ang paghahari ng Diyos sa daigdig. Maaaring tahimik, ngunit mabisang kumikilos ang Diyos sa piling natin at sa buhay natin.
Tinitiyak ng Panginoon sa ebanghelyo ngayon ang kaligtasan ng mga tumatanggap sa paghahari ng Diyos: “mas dakila (kay Juan) ang pinakamaliit sa kaharian ng langit” (11:11). Kaya naman ang paalala ni Santiago:“maging huwaran ninyo ang mga propeta...tingnan ninyo ang kanilang pagtitiis at pangaral” (5:10).
Sa piling ng Panginoong Jesu-Kristo– ang ipinangakong darating na “dumating na” nga-”mamumulat ang mga mata ng mga bulag, mabubuksan ang mga tainga ng mga bingi; luluksong gaya ng mga usa ang mga pilay; sisigaw sa galak ang dila ng mga pipi” (Is 35:5). Hindi na natin kailangang magtanong kung “kailan darating”; magalak na tayo at magdiwang sa kanyang pagdating!
~ David O. Reyes, Jr. ~
No comments:
Post a Comment