Welcome to the Changhyun Filipino Catholic Community blogsite !!!

Welcome to Korea Fr. Cedric Alimbuyong

Welcome to Korea Fr. Cedric Alimbuyong
Fr. Cedric replaces Fr. Dong Marcaida. Have a happy, fruitful and blessed days with us all!

Monday, December 17, 2007

LANDAS NG PAGPAPAKABANAL

85. Inilalarawan sa atin sa ebanghelyo ang Espiritu bilang ibon. (Markos 1:10; Mateo 13:16; Lukas 3:22) Marahil ipinahihiwatig lamang ng paglalarawang ito na tulad ng ibon, mailap ang Espiritu, hindi basta dumadapo, hindi basta namumugad. Kailangang akitin upang manatili ito at mamalagi sa ating piling. Humihinga ng ganap na pagbabago - isang buhay na kaakit-akit pamugaran ng Espiritu. Kung gayon, hindi ang wisik ng tubig na nabasbasan ang magpapalayas sa masasamang espiritu, kundi ang isang uri ng pamumuhay sa pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig ang magtataboy sa mga ito sa pamamagitan ng pamumugad ng Banal na Espiritu sa ating piling.

Ang Mahal na Ina
86. Walang duda, tayo’y isang bayang maka-ina. Ang likas na pagpapahalaga, paggiliw, at pagsuyo sa ating mga inang makalupa ay madaling nalilipat sa gayunding pagpapahalaga, paggiliw at pagsuyo sa ating inang makalangit: ang Mahal na Birhen. Pati ang turing sa kanya bilang Mama Mary ay pagpapahayag ng isang payak na kaugnayan ng paslit sa kanyang nanay. Maraming beses na tayong napuna tungkol dito, lalo na ng ibang mga kapwa Kristiyanong hindi-Katoliko. Maraming beses na rin nating naitanong sa ating mismong sarili, kung di ba tayo nalilihis, kung di ba tayo nalalayo kay Kristo dahil sa malabis na paggalang at pagpipitagan sa Mahal na Birhen. Binigyan din ito ng masusing pansin ng ating Katekismo (CFC # 45-48), na sa kabutihang palad ay nakatulong ng malaki upang maipaunawa sa atin itong likas nating pagmamahal sa Mahal na Birhen.

87. Simula’t sapul, bahagi na siya ng kasaysayan natin, at hindi siya kailanman maihiwalay sa ating pananampalataya sa kanyang Anak. Patunay dito ang mga nabanggit na nating mga tradisyon tuwing Pasko—ang Panunuluyan, at tuwing araw ng muling Pagkabuhay—ang Salubong. Parang hindi kumpleto ang mga pagdiriwang na ito kung wala siya, kung paanong laging kasama ang ina sa mga mahalagang sandal ng ating sariling buhay bilang mga pamilyang Pilipino. Kung may isang bagay na namumukod-tangi sa landas ng pagpapakabanal ng Katolikong Pilipino, ito marahil ay walang iba kundi ang paglapit natin kay Kristo sa pamamagitan ni Maria. At dahil tanggap na natin ito, hindi na natin ikinababahala. Sa katunayan, sa maraming sulok ng bansa, naging isa sa mga pinaka-epektibong paraan ng paghubog at pagpapalaganap sa Mabuting Balita ng Panginoong Hesukristo ang debosyon sa Mahal na Birhen, ang pagtitipon ng mga mananampalataya upang magrosaryo. Ang malalim na debosyon sa Mahal na Ina ay nananatiling isa sa mga pinakama-tinding lakas na nagpapanatiling buhay sa pananampalatayang Pilipino at Katoliko. Si Maria, kumbaga, ay parang pataba sa lupang inihahandang matamnan ng binhi ng Mabuting Balita ng Kaharian ng Diyos. Madalas, tayo rin ang nagkukulang sa pagbibigay-panahon upang mahasikan ng binhi ang matabang lupa na matagal nang inihanda ng Mahal na Birhen.

Gabay sa Pagninilay at Diskusyon
Itutuloy…

No comments:

Onfino Open Event Promo Winners

Onfino Open Event Promo Winners
Nobody's a Loser Only at Onfino! So keep visiting www.onfino.com (pls. click image)

Happy 2nd Anniversary Guri Filipino Catholic Community

Dongduchon Filipino Catholic Community

Chonmasan Community 6th Anniversary

Guri Filipino Catholic Community

First Year Anniversary, July 7, 2007