“Ang “adbiyento” ay hango sa salitang Latin na “adventus” na ang ibig sabihin ay “pagdating” na lagi naming hinihintay noong maliliit pa kaming magkakapatid: ang pagdating ng aming ama mula sa Maynila. Sabik na sabik namin siyang hinihintay, pero higit sa lahat, dahil sa dala niyang pasalubong na mainit na pandesal na gustung-gusto namin. Kaya nga minsan, tinanong niya kami” “Ano ba talaga ang hinihintay ninyo?”
May pananabik sa ating mga puso at hindi maipaliwanag ang galak kapag dumarating ang panahon ng Adbiyento. Tulad ng aming ama, nagtatanong din ako ngayon: “Ano ba talaga ang hinihintay natin? Ang maydala ng pasalubong o ang pasalubong? Ano kaya ang pasalubong?
Sa unang pagbasa, ayaw tanggapin ni haring Ahaz ang “pasalubong” - ang maka-Diyos na tandang inilalahad sa kanya ni propeta Isaias: “Maglilihi ang isang dalaga at manganganak ng lalaki at ito’y tatawaging Emmnuel” 97;14). Ang tinutukoy na anak dito ay si haring Exequias. Ngunit sa halip na magtiwala sa mabuting balitang pasalubong ng propeta, mas pinagtiwalaan pa ni haring Ahaz ang tulong ng ibang mga bansa tulad ng Asiria sa pakikipaglaban niya sa mga hari ng Damasco at Samaria.
Tulad ng mga unang Israelita na tumanggi sa inialok sa kanilang tagapagtanggol, hindi rin tinanggap ng maraming mga Hudyo ang Mesiyas na kaloob ng Diyos sa katauhan ni Hesus. Sa katunayan, marami pa ring mga Hudyo ang naghihintay hanggang sa kasalukuyan sa pagdating ng Mesiyas.
Binibigyan tayo sa ebanghelyo ng mga huwaran ng angkop na pagtanggap sa “pasalubong” sa atin ng Ama sa langit– si Hesus na Tagapagligtas ng buong sanlibutan. Ito ay sina Jose at Maria. Sa kabila ng kanyang pagtataka kung paano magaganap ang lahat, sumang-ayon si Maria sa kalooban ng Diyos: “ Narito ang lingkod ng Panginoon, mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi”(Lc 1;38). Matapos naming ihayag sa kanya sa pamamagitan ng isang panaginip ang kalooban ng Diyos, ginawa ni Jose ang sinabi ng anghel ng Panginoon (Mt 1:24).
Kahit para kina Jose at Maria, hindi naging madali ang pagtanggap sa kalooban ng Diyos. Dahil nangangahulgan ito ng pagpapakasakit at pagharap sa pag-uusig ng marami. Isang mahalagang bagay ang itinuturo sa atin nina Maria at Jose. Ang paghihintay at pagtanggap sa pasalubong ay nangangailangan ng PANANAMPALATAYA– ng kakayahang magTAYA sa kabila ng kawalan ng katiyakan kung ano ang nagaganap sa hinaharap. Mahalagang Makita natin na ang hinihintay nating tagapagdala ng pasalubong na hinihintay. Si Hesus na inaasahan nating maghahatid ng kaligtasan ay siya rin mismong kaligtasan natin. Hatid niya ay kagalakang hindi matutumbasan ng galak na hatid ng kahit na anong iba pang pasalubong at “kaloob” ng Diyos sa atin ay hindi kailanman lilipas. Dahil siya ang Anak ng Diyos, ang Emmanuel, ang “Diyos-kasama-natin,”si Hesus lang ang makapagbibigay sa atin ng tunay at walang hanggang KAPAYAPAAN AT KALIGAYAHAN na siyang inaasam ng bawat isa sa kaibuturan ng kanyang puso.
Dumating na noong unang Pasko ang Mesiyas, pinaka-dakilang “pasalubong” ng Diyos sa Sanlibutan. Maluwalhati siyang darating muli sa wakas ng panahon. Nananabik ba tayong sumalubong at handang-handang tumanggap sa walang-hanggang “pasalubong”- si Hesus na Tagapagligtas?
~ Sr. Maria. Cecilia . Payawal, PDDM ~
No comments:
Post a Comment