Inilalarawan sa Ebanghelyo ngayon ang dalawang taong parehong nananalangin ngunit may magkaibang katayuan sa buhay, paniniwala at pagkilala sa sarili. Naniniwala ang Pariseo na siya ay mabuti at at mas magaling sa iba kaya naman masaya niya itong ipinagpapasalamat sa Diyos. Nakalulungkot lang isipin na sa kanyang “pagdarasal” ay nagawa din niyang ipagyabang ang kanyang angking “kabutihan” kung kaya’t nagawa din niyang ibagsak ang iba maiangat lang ang kanyang sarili. Sa kabilang panig, nasa likuran naman ang isang publikano (kolektor ng buwis) na ni hindi makatingala sa langit habang nagdarasal at dinadagukan ang kanyang dibdib sa matinding pagsisisi. Wala siyang maipagmamalaki sapagkat alam niyang makasalanan siya at alam din niyang iyon nga ang turing sa kanya ng ibang tao.
Parehong may-aral na ibinibigay ang dalawang tauhan sa ating Ebanghelyo. Ang una ay ang aral mula sa halimbawa ng Pariseo na hindi dapat tularan. Bakit hindi dapat tularan ang Pariseo sa Ebanghelyo? Ano ang pagkakamali niya? Sinasabi sa talinghaga na nananalangin din siya tulad ng publikano. Pero tunay ng aba siyang nananalangin? Panalangin nga bang maituturing iyon kung wala naman siyang sinasabi sa harap ng Diyos kundi ang “mabubuting bagay na ginagawa niya katulad ng pag-aayuno at pagbibigay sa templo ng ikasampung bahagi ng kanyang kinikita. Sa kanyang pagmamalaki mukhang pinalalabas niyang wala siyang pangangailangan sa Diyos. Hindi man niya sabihin, pinalalabas niyang ang Diyos pa ang may “utang-na-loob” sa kanya sapagkat gumagawa siya ng mga bagay na pinaniniwalaan niyang kalugod-lugod sa Diyos. Samakatuwid, siya ang dapat hangaan ng Diyos! Kung makapagmamalaki siya sa harap ng Diyos na kataas-taasan, hindi nakapagtatakang kayang-kaya niyang hamakin at siraan ang kanyang kapwa. Kung gayon, malinaw na nagkakamali siya sa tatlong bagay: una, inaakala niyang matuwid siya at walang kasalananang dapat pagsisihan; ikalawa, iniisip niyang maaaring “suhulan” ang Diyos ng mga bagay na inaakala niyang kasiya-siya sa rito (Diyos) kaya dapat lang na pagpalain siya nito; ikatlo, nag-asal-Diyos siya sa pamamagitan ng paghuhusga sa kanyang kapwa. Siya na humatol, ayon sa talinghaga, ay siyang hinatulan: umuwi siyang wala sa grasya ng Diyos; siyang nagmamataas ay ibabagsak ng Panginoon (b14).
Ano naman ang aral na makukuha sa halimbawa ng kolektor ng buwis? Alam niya na hindi siya karapat-dapat hangaan at tularan ng iba. Wala siyang kayang ipagmalaki sapagkat alam niyang makasalanan siya. Ngunit sa kabila ng kanyang masaklap na katayuan sa buhay dahil sa marami niyang pagkukulang sa Diyos at kapwa (sa pananaw ng mga Hudyo, siyang kolektor ng mga buwis ay makasalanan dahil ipinapalagay na mandaraya siya at mapagsamantala sa kapwa) ipinahahayag niya ang kanyang pangangailangan sa awa at pagpapatawad ng Diyos. Alam na alam niyang katotohanang Diyos lang ang tangi niyang maaasahan na makapagpapatawad sa lahat ng kanyang mga kasalanan. Alam niyang wala siyang nagawang anuman para maging karapat-dapat sa pagpapala ng Diyos. Si Hesus mismo ang nagbibigay ng katiyakan: siya ang umuwing nagpapakababa ay itataas ng Panginoon.
Sa harap ng Diyos lahat tayo ay makasalanan na nangangailangan ng kanyang awa at pagpapatawad. Walang taong naging mabuti dahil sa sariling kakayanan lamang. Kung wala ang grasya ng Diyos hindi kailanman tayo magiging banal. Ang pagiging mabuti ay isang biyayang hindi ipinagmamalaki. Sa halip, dapat lang itong ipagpasalamat nang may kababaang-loob. Ang pagiging makasalanan ay isang malungkot na katayuan ngunit hindi kinakailangang manatili tayo sa ganitong kalagayan. Laging handang magpatawad ang Diyos sa ating mga makasalanan, gaano man ito kalaki o karami. Lahat tayo ay may pagkakataong magbagong-buhay. Ang mga banal ay mga taong may masamang nakalipas; ang mga maksalanan naman ay may mabuting hinaharap.
~ Fr. Emil A. Urriquia ~
No comments:
Post a Comment