By: Zack
Pangatlong stick ko na ng paborito nating bola-bola
Pangatlong stick ko na ng paborito nating bola-bola
dito sa tindahang de tulak ni Aling Maria
Sa isipa'y nanariwa ating mga masasayang ala-ala
Sa pagitan ng pagkagat ng napakasarap na meryenda
Tandang tanda ko pa ng una kitang makita sa kalye,
Napangiwi ka sa anghang dahil sa sawsawang maaraming sile
Tinitingnan kita noon, sabi mo "masarap naman di na bale",
Tuloy ako'y naengganya kahit pera'y sakto lamang sa pamasahe.
Hindi ko natiis noon na magbukas ng mapapag-usapan,
Kahit di mo ko kakilala, pangalan mo ay nais kong makamtan.
Isang mabining ngiti lamang saglit ako'y iyong tinitigan,
Sabay bigay ng ‘yong bayad ako'y biglang tinalikuran.
Ilang mga araw pa na tayo ay nagkasabay sa fishballan,
Pagtingin mo sa aki'y, gumaan hanggang maging kaibigan.
Tangi saksi nati'y ang tindera, mga fishball at mga saukan,
Nabuo nating pagkakaibigan araw-araw ay puno ng kasiyahan.
Minsan inaya kitang maglakad habang palamig ay ating tangan
Binuksan tinatagong pagibig, nais ko sanang iyong mapagbigyan
Nakangiti mong mata sa akin ay masayang nakatunghay
Mas sweet pa sa sauce na saukan, iyong "Oo" sa aki'y ibinigay.
Higit isang linggo din tayong naging lubhang napakasaya,
Magiliw na pinagsaluhan pagkaing pangunang sangkap ay isda
Di ko nabanaagan nakaambang lungkot at pagkawala,
Buhay na mapagbiro sa ating dalawa pala'y nakatadhana.
Sa araw na ito, tatlong buwan na sana tayo,
Subalit magmula noon, di ka na nakita walang balita tungkol sa ‘yo.
Aalis na sana ako ng may lumapit na isang binatilyo,
S’ya pala'y iyong kapatid, may sinasabi habang nakayuko.
Isang linggo na ang nakakalipas ikaw pala ay yumao na,
Isang masakit na hagupit sa aking pusong umaasa.
Aking tinatanong dahilan ng iyong dagliang pagkawala,
Kanyang mga mata'y may namuong luha, daop-palad na nagsalita.
Una n’yang sinabi na wala kang bukambibig kundi ako,
Pagkatapos nooy tinitigan, tuhog ng fishball na hawak ko.
Sa ospital ika'y ilang buwang sa sakit ay nakipaglaban,
Hepatitis na nakita, lumalang di nagawan ng paraan.
Hindi ko na natiis damdaming kanina pa nais umalpas,
Nagsisikip na dibdib tanging mga hikbi, walang boses na lumabas.
Mga luha'y namalisbis, mga paa sa ospital ako iginigiya,
Dali-daling iniluwa bola-bolang kanina pa nginunguya.
No comments:
Post a Comment