Sulat Pastoral ng Kapulungan ng mga Obispong Katoliko ng Pilipinas -Sa mga Pilipinong Katoliko
Hindi kay Kristo mismo kundi sa Mahal na Ina nakikiisa ang mananampalatayang Pilipino, kapag salubong. Inaakit ng tradisyong ito na makiisa ang mananampalataya sa pagbababang-luksa ng birhen, sa hangaring maipahayag ang lahat ng kanyang mga pag-asa sa buhay. Pangunahin sa mga sagisag ng pagdiriwang na ito ang madramang pag-aalis sa belong itim na nakalambong sa ulo ng Birhen na katulad ng mga dusa’t hapis na nakalambong din sa atin. Ito ang bibigyang katapusan ng muling-pagkabuhay. Sa sandali ng salubong, bababa ang anghel upang alisin ang belo at awitan ang Birhen ng Regina Coeli, kasabay ng taimtim na hangarin ng mga nakikisalubong na kahimanawari’y kasabay na mapapawi ang sarili nilang mga belong itim ng dusa’t sakit. Ito na ang kaganapan ng Mahal na Araw, para sa maraming mga Pilipino. Uuwi ang nakisalubong na may maluwag na damdamin, na tulad ng pag-uwi ng mga katatapos lamang na magbabang-luksa.
Kapistahan ng Patron
51. Ang kahiligang magpista at magpakain sa mga bisita ay hindi inimbento ng mga Kastila para sa atin. Nabigyan lamang ito ng bagong saysay nang iugnay sa kapistahan ng mga patron. Pasasalamat ang pangunahing diwa ng pista. Pasasalamat sa Diyos sa pagaantabay ng mahal nilang Patron. Sa maraming mga bayan at baryo, napaka-personal ng kaugnayan ng mga tao sa kanilang patron, na madalas pa ngang tawagin sa isang magiliw na palayaw.
52. Sa Pilipino, hindi lang minsan isang taon ang pagpipiyesta. Maraming pang mga pagkakataon bukod sa pasko, mahal na araw, at kapistahan ng patron ang maaaring maging dahilan para maghanda, mag-imbita, at magpakain. Kaarawan, anibersaryo, may pumasa sa eksamen, may nagtapos sa pag-aaral, gumapang, lumakad, o nagsalita na si bunso, atbp. Biyaya ng Banal ang pananaw natin sa maraming mabubuting bagay na nararanasan natin sa buhay. Alinman dito’y sapat nang dahilan para magdiwang.
D. MGA BANAL NA IMAHEN AT LARAWAN NG PANGINOONG HESUKRISTO
Santo Nino
53. Hindi matatawaran ang kasikatan ng larawan ng Santo Nino de Praga sa atin, at ang mas malawak na debosyon sa Kristong bata. At tulad ng karaniwang paslit, nakagawian na ng marami na bihisan ito ng iba’t-ibang kasuotan: pulubi, anak-magsasaka, basketbolista, at kung ano-ano pa. Madalas ngang punahin ito ng ilang mga intelektwal bilang pagpapakita ng diumano’y paslit na pananampalatayang Pilipino. Sa isang banda, maaaring may punto sila. Subalit sa kabilang banda, hindi rin kaya ito pagpapahayag din ng kaloobang Pilipino sa kanyang kapayakan, kawalang-malay, kawalang-malisya, at pagiging mapaglarong tulad ng bata? Sa Santo Nino, itinatampok ng mananampalatayang Pilipino ang halaga ng “pagiging bata”, na di nalalayo sa sinasabi ng ebanghelyo: “Ang kaharian ng Diyos ay bukod tanging para sa mga bata.” (Mt. 18:3).
Nazareno
54. Namumukod ang larawang ito ng Panginoon sa ibang mga larawan na kadalasa’y puti ang kutis, dahil ang Nazareno ay Moreno (kabalat-pinoy), nakaluhod, at may pasan na krus. Marahil sa kanya unang nabanaag ng Pilipino ang kanyang sarili: batbat ng pasakit, nagdurusa, at may dalang krus. Sa kanya nakakatagpo ang…
Itutuloy ...
Welcome to Korea Fr. Cedric Alimbuyong
Sunday, October 14, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment