Lipos ng pangamba ang sa dibdib ko'y bumulaga,
Sa pagyapak ng aking paa dito sa lupaing banyaga.
Pag-asang guminhawa ang tanging baong kalasag,
Sa maalwang buhay na sa pamilya ay aking nais ihatag.
Sinuong na pangarap hindi kapagdaka'y nakamit,
Inaaral na dayuhang wika, ulo na'y sumasakit
Kakaibang kultura at ugaling kailangang pakisamahan,
Bukod pa sa trabahong dulot ay lupaypay na katawan.
Dangan nga lamang sa hirap pamilya'y gustong maihango,
Disin sana'y di aabuting magtiis at dumayo,
Tigib ng pasakit ang malayo sa mahal sa buhay,
Mga larawan ninyo'y tangan sa gabi'y tanging kaagapay.
Sa paglipas ng taon mga mithii'y unti-unting nakakamit,
Mga anak ay nag-aaral, may masasarap na pagkai't magarang damit.
Datapwat payak lamang, maliit kung sa karamiha'y ihahambing,
Subalit aking pundar na bahay, kayamanan ng maituturing.
Kagyat na panahon na lamang ang aking susuungin,
Sa aking paguwi, maginhawang buhay na ang dadamhin.
Biyayang bigay ng maykapal aking lalong palalawigin,
Sukling marapat lamang, pagpupugay sa Amang maawain.
Sukling marapat lamang, pagpupugay sa Amang maawain.
Sa aking diwa ngayon ay aking minumuni-muni,
Mga salamisim ng buhay isasalaysay sa napipintong pag-uwi.
Dala-dala'y mga kwento ng lungkot, hirap at saya,
Na aking naranasan dito sa lupa ng matamis na ampalaya.
No comments:
Post a Comment