Bago lumabas ang resulta ng “bar exam” noong Abril noong Abril 3,2007,hiningi ko sa Diyos na makapasa sana ako. Hiniling ko rin na matikman pa sana ng Mommy at Daddy ko ang lahat ng mga pinaghirapan ko. Nang makapasa ako sa “bar,” tuwang tuwa ako. Sabi ko, mahal ako ng Diyos, dahil nakinig siya sa akin. SABI KO, SIGURO NAKITA NG Diyos ang lahat ng mga pinaghirapan ko.
Pero laking sama ng loob ko nang mamatay ang Daddy ko noong Mayo 18,2007-halos tatlong linggo lang matapos niyang masaksihan ang “oathtaking”ko bilang abogado noong Abril 25. Masakit ’yun para sa akin, dahil naging mas malapit kami ni Daddy sa isa’t isa noong naghahanda pa ako para sa “bar exams”. Naitanong ko, Diyos ko lahat ba’y may kapalit? Kapalit ba ng pagpasa ko ang pagkamatay ng Daddy ko? Nabingi ka a ng hilingin ko sa iyong mapaginhawa ko naman ang buhay nina Daddy at Mommy?”
Napakahirap manalangin kapag parang wala namang nakikinig. Ganito ang naramdaman ko nang mamatay ang Daddy KO. Kaya naman, ang hirap isulat ng pagninilay na ito tungkol sa panalangin. Nanalangin ako sa Diyos pero mukhang hindi niya ako pinagbigyan. O narinig man lang kaya niya ang dasal ko?
Mahirap man tanggapin, may sariling karunungan ang Diyos ma hindi agad natin mauunawaan. Sa ebanghelyo ngayon sinisikap ni Lucas na ipaliwanag ang kahalagahan ng walang humpay na pananalangin sa pamamagitan ng talinghaga tungkol sa isang balong namimilit sa isang hukom. Sa kulturang Judio, hindi pinapayagang humarap ang isang babae sa hukuman. Sa usapang pambatas, wala siyan “legal personality.” Dahil balo ng ang babae, wala siyang asawang kakatawan sa kanya upang makinig ang hukuman sa kanyang kahilingan. Kaya naman, masasabing walang kalaban-laban ang balo dahil tiyak na hindi siya pakikinggan. Subalit sa huli, dahil sa kanyang pamimilit, nakinig naman ang tiwaling hukom kahit hindi nagbigay ng suhol ang balo.
Ayon kay Hesus, kung ang isang masamang hukom ay nakikinig, lalo na ang mabuting Ama sa langit. Hindi naman inihahambing ni Hesus ang kanyang Ama sa tiwaling hukom. Sa halip, sinasabi niyang matiyagang panalangin ay nagdadala ng “katarungan” sa humihingi nito. Sa usapang legal, ang ibig sabihin ng salitang “katarungan” ay pagbibigay sa humihingi nito ng kung ano ang nararapat para sa kanya. Para isang hukom, ang pagbibigay ng katarungan (“panalangin”) sa isang taong lumalapit sa hukuman ay pagbibigay ng kung ano ang nararapat at hindi kung ano lang ang hinihiling ng taong iyon.
Siguro, ito ang dapat alalahanin ng mga taong tulad ko na nag-iisip na “pinagmaramutan” ng Diyos. Nang manalangin ako sa Diyos, hiniling ko sa kanya na mapaginhawa ko ang buhay ng Daddy ko. Ngunit ang sabi ng Diyos: “Hindi ikaw ang magpapalasap sa kanya sa kanya ng maginhawang buhay; AKO ANG MAGBIBIGAY SA KANYA NG GINHAWA SA BUHAY, NG BUHAY NA GANAP AT KASIYA-SIYA.”
Sa wikang Filipino, ang salitang “dalangin” ay ang dinaglat na “dala ng hangin.” Ibig sabihin, ito ang mga kahilingan natng ihahatid ng “hangin’ (Espiritu Santo) sa langit. Samakatuwid, kailangan nating “bumuga” ng hangin sa pananalangin, ibig sabihin, manalangin sa pamamagitan ng Espiritu. Subalit, kailangan din nating “humigop” ng hangin. Kailangan nating patuloy na manalangin dahil sa pamamagitan nito tayo ay napupuno ng “hangin” (ng Espiritu) na patuloy na bumubuhay sa atin sa gitna ng mga tila ‘di-naririnig na panalagin. Sa matiyaga at walang humpay na panalangin, mas lumilinaw sa atin ang kakaiba ngunit dakilang pamamaraan ng Diyos.
No comments:
Post a Comment