Matingkad na ang winika ni Hesus noon sa mga alagad niya at ngayon ay sinasabi rin niya ito sa iyo at sa akin: Sumaatin ang kapayapaan!
Ayon kay San Agustin, Obispo ng Hipona (354-430), ang kapayapaan ay katiwasayan ng kaayusan. Ngunit hindi ito nangangahulugan na ang kapayapaan ay mistulang kawalan ng kibo. Hindi ito ang katahimikan ng isang libingan sa tanghaling tapat. Hindi rin ito ang pagkahimlay ng taong natutulog. Sa halip, ang kapayapaan ay bunga ng tuluyang pagsisikap na maging kaisa ng iisang Diyos sa tatlong Persona, at ng ating kapwa, at ng atin mismong sarili. Si Kristo ang siyang ating kapayapaan! (Ef 2:11-22).
At sa puntong ito, alam nating may mga pagkakataong hindi tayo nakiisa o nagmahal sa Panginoon, sa ating kapwa at sa ating sarili (Rom 8:20,22). May mga iba’t ibang tindi ito: maaaring ito’y isang pagkukulang lamang, o maaaring ito’y talagang maituturing na kasalanan: kasalanang mabigat o nakamamatay ( o mortal sin) o kasalanang magaan o napapatawad (o venial sin). Kapwa sila mapapatawad ng Diyos kung tayo ay magkakaroon ng kapayakang aminin ang ating pagkukulang at pagkakasala. Minsan nga lamang, ang ating akala sa “kasalanan’ ay ang hal., pagpatay, pagnanakaw. At dahil ito lamang ang saklaw ng ating konsepto ng kasalanan, maaari tayong mapaniwala na waring wala tayong kasalanan (Ex 20; Mt 5; 1 Cor 13).
Ang paksa ng pagbabalik-loob sa Diyos ay maaaring pagnilayan sa anumang panahon at lugar (hal., sa tulong ng Salmo 51). Sa ating pagninilay—sa piling ng Panginoong laging nakakakita sa atin at nakikinig bilang ating pinakatotoo at pinakamatalik na Kaibigan, hindi kailanman bilang walang-pusong pulis!- tungkol sa kanyang muling pagkabuhay at pagdalaw sa mga alagad, ating hilingin nang may kapayakan at kapakumbabaan na buksan niya ang ating diwa at puso, upang ating mamalas na talagang sukdulan ang pagmamahal niya sa atin (Salmo 64). Hindi biro ang mamatay na nakapako sa krus. Ngunit “nang dahil sa pag-ibig” ayon sa isang awit, isinakatuparan ng Diyos ang misteryo ng pagliligtas. Ginawa niya ito upang iligtas tayo. Ngunit bukod doon, mula sa ibang anggulo, batid ng Diyos at batid natin na habang hindi tayo nagbabalik-loob sa Diyos, laging may kulang sa atin. At laging magiging kapos ang anumang pagsisikap nating abutin at mahalin ang Diyos kung hindi siya ang naunang nagmahal sa atin (1 Jn 4:10). Paano tayo magkakaroon ng tunay na kapayapaan, bilang lunas sa sugat na dulot ng ating pagkakasala? Si Hesus mismo ang nagbigay-daan dito, sa kanyang pagtatatag ng sakramento ng pagkukumpisal, o pagbabalik-loob sa Diyos (Jn 20:230; Santiago 5:16). Hindi ba tayo maaaring “dumeretso” sa Diyos? Kung si Hesus nga ang nagpasya na “patatawarin ang mga kasalanan ninuman na inyong patawarin”, may pag-aalinlangan pa ba kaya? Alam ni Hesus na may dulot na kagalingang espirituwal at sikolohikal ang marinig mismo natin sa pari, na nagpapatawad sa ating mga kasalanan sa persona o katauhan ni Kristo, ang ganito:“Ikaw ay pinatatawad ko sa iyong mga kasalanan sa ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo.”
Mabalik tayo sa “kapayapaan”, na bunga ng pagbabalik-loob na dulot ng sakramento ng pagkukumpisal o pagbabalik-loob. Bukambibig ngayon kahit saan ang kapayapaan. Pati nga sa mga sulat ni San Pablo, laging nangunguna ang pagbati ng kapayapaan. Ngunit ito ba’y mistulang kawalan ng digmaan? Opo, hiling natin sa Panginoon na sana’y wala nang digmaan ng tao laban sa tao. Ngunit sa usaping pananampalataya, ang kapayapaa’y matatamo lamang, sa tulong ng grasya– na siyang ating relasyon sa Diyos na buhay–sa ating palagiang pakikipagdigma laban sa kasalanan at sa ating pagkamakasarili.