Mapapalad sa Mata ng LangitMarami silang nangangako ng kaginhawahan o kaligayahan sa buhay. Kagandahan, katanyagan, kapangyarihan, kayamanan ang kanilang batayan ng galak at ginhawa. Ngunit ang pangako nilang ligaya, hindi man likas na masama, ay lumilipas at panandalian lamang.
Malinaw na ipinahahayag ni Hesus sa ebanghelyo ngayon kung sino ang magtataglay ng galak at ginhawang walang katapusan. Tinawag sila ni Hesus na mga “Mapapalad” o “Pinagpala”: may mga diwa ng dukha, nagdadalamhati, pinag-uusig...Kapansin-pansin na ang mga tinaguriang “Mapapalad” ni Hesus ay itinuturing naming ng mundo na mga malas at sawimpalad. Nagpapatunay lang ito na ang pamantayan ng Kaharian ng Diyos ukol sa mga bagay na mahalaga o dakila ay taliwas sa pamantayan ng mundo.
Paano nga ba uunawain ang “mapapalad” ni Hesus sa kasalukuyanng lipunang nag-aalok ng salungat na pagpapala?
Una, ang diskursong ito tungkol sa “Mapapalad” ay isang balita o pagpapahayag ng pagdating ng Kaharian ng Diyos. Ang panahong ipinahayag ng mga propeta at pinakahihintay ng bayang Israel ay dumating na sa katauhan ni Hesus. “Nagbibigay ng katarungan sa mga api, nagpapakain sa mga nagugutom, binibigyang-paningin ang bulag, pinasisigla ang mga ulila at balo…” (Salmo 146). Ang propesiyang ito mismo ang binigyang kaganapan ni Hesus. Ganito ang ibig sabihin ni Hesus: “Mapapalad na kayo ngayon! Kinahahabagan kayo ng Diyos sa inyo! Magalak kayo sapagkat may higit pang gantimpalang naghihintay sa inyo sa langit!”
Ikalawa, mapalad tayo sapagkat ang Kaharian ng Diyos ay para sa ating lahat. Wala nang taong babalewalain, hahamakin o itatakwil. Mahal tayong lahat ng Diyos. Sa mata ng Diyos, mahalaga ang bawat isa, hindi tulad ng mundong malupit na namimili ng taong marunong, malakas, o mayaman. Silang mga walang-halaga sa lipunan: mga mahihina, mabababa at hamak ang “pinili ng Diyos...upang hiyain ang marunong...ang malakas...at nang huwag nang makapagmalaki ang sinumang tao sa harapan ng Diyos” (1 Cor 1:27-28). Silang mga sawimpalad sa mata ng daigdig ay mapapalad sapagkat nangunguna sila sa Kaharian ng Langit.
Ikatlo, hindi lamang ipinangaral ni Hesus ang “Mapapalad” kundi isinabuhay din niya ito sa kanyang buong pagkatao. Si Hesus ang may diwa ng dukha na umaasa sa Ama, ang nagdadalamhati sa kasalanan ng tao, ang maawain o mahabagin sa mga nangangailangan, ang naghahanap ng katarungan para sa inaapi, ang may pusong busilak na buung buong nakalaan sa Ama. Si Hesus ang Mapalad o ang Pinagpala ng Diyos na dapat nating tularan.
Ikaapat, at panghuli, ibinubunyag sa atin ng “Mapapalad” kung sino talaga ang Diyos. Ang huling bahagi ng bawat kataga ng “Mapapalad” ay naglalarawan sa Diyos: mapagpala, mapagkalinga, maawain, mapagmahal. Ito ang mukha ng Diyos na Pag-ibig. At dahil iniibig at minamahal niya tayo, hindi niya hahayaaang mapahamak kahit isa man sa atin. Lagi natin siyang kasama sa paglalakbay natin sa mundong ito, sa hirap at sa ginhawa, hanggang sa magtamasa tayo ng walang-hanggang kapayapaan, kasaganahan at kaligayahan sa Kaharian ng Langit. Sa bandang huli, anuman ang tingin sa atin ng mundo, tayo pa rin ang tunay na “mapalad.”
~ Kris Emmanuel L. Llacer, SSP ~
No comments:
Post a Comment