Welcome to the Changhyun Filipino Catholic Community blogsite !!!

Welcome to Korea Fr. Cedric Alimbuyong

Welcome to Korea Fr. Cedric Alimbuyong
Fr. Cedric replaces Fr. Dong Marcaida. Have a happy, fruitful and blessed days with us all!

Sunday, February 3, 2008

LANDAS NG PAGPAPAKABANAL

113. Sinikap ding sagutin ng tatlong nakaraang mga sulat pastoral ng CBCP ang mahalagang tanong “Nasaan na tayo ngayon?” Sa Sulat Pastoral noong 1997 ukol sa Pulitikang Pilipino, ipinahayag namin sa isang dako, na “Matindi ang pinsalang dulot sa atin ng kasalukuyang takbo ng pulitikang Pilipino. Ito’y mistulang isang tinik sa laman ng ating bayan…” Sa kabilang dako naman, binigyan din namin ng pansin ang ilang mga palatandaan ng pag-asa, katulad halimbawa ng ipinakikitang pagkakaiba ng pagboto ng mga mamamayan, ang mas matalinong pagpili ng mga kandidato, at ang mga bago at nakababatang mukha sa mga pamunuang nahahalal sa antas na pambarangay, pambayan, at panlalawigan. At mula pa noong sa EDSA, nasanay nang mabuti ang mga boluntaryong grupong galing sa mga NGO (non-government organizations) at PO (People’s organizations) na ipagtanggol ang balota nang buong sigasig at lakas ng loob.

114. Sa ikalawang Sulat Pastoral naman na aming inilathala noong 1998, tinalakay ang mga aspetong maliwanag at madilim sa isa pang mahalagang sangkap ng ating pang-araw-araw na buhay bilang mga mamamayan: ang ekonomya ng bansa. Aming tinutukoy doon ang pangangailangan para sa isang mas makataong pagpapaunlad sa ekonomya na may pangunahing pakundangan sa hangaring mapabuti ang kalagayan ng mga mahihirap, mabahaginan ang lahat ng pantay na pakinabang at maibsan ang malaking agwat sa pagitan ng mga mariwasa at maralita.

115. Sinundan pa ang Sulat Pastoral na ito noong 1999 ng isang malawakang pagninilay sa kulturang Pilipino. Doon tinalakay ang mga kaugalian at kagawiang ating pinahahalagahan tulad ng “utang-na-loob” at “pakikisama” pati na ang magkasamang positibo at negatibong aspeto ng mga ito. Positibo, kapag nalagay sa tamang hangganan, at negatibo kapag lumalabis o kumu-kulang.

116. Sinikap ilarawan ng tatlong nasabing mga sulat pastoral ang Pilipino sa kasalukuyan, sa ating pagpasok sa isang bagong milenyo. Hindi laging kaaya-ayang pagmasdan ang larawang ito, tulad ng madalas ipakita sa atin ng mass media araw-araw, sa mga balitang panggabi: mga balita tungkol sa mga Pilipinong pumapatay ng kapwa Pilipino, Pilipinong nagnanakaw sa kapwa Pilipino, libo-libong mga Pilipinong naninirahan sa mga barong-barong na hindi angkop kahit sa mga hayop, mga Pilipinong may mga anak na maliliit na gumagala sa mga lansangan upang magpalimos. Masasabi natin nang tahasan na ang balangkas ng pamumuhay na iginuguhit para sa atin ng mga sari-saring puwersang pampulitika, pang-ekonomya, at pang-kultura ay lihis, taliwas, o may malaking pagkukulang. Sa pinaka-kaibuturan ng ating buhay pampulitika, pang-ekonomya, at pang-kultura, may mga masasamang espiritung kailangang maiwaksi kung nais nating maging isang bayang marangal, matuwid, at mapagmalasakit.
Itutuloy…

No comments:

Onfino Open Event Promo Winners

Onfino Open Event Promo Winners
Nobody's a Loser Only at Onfino! So keep visiting www.onfino.com (pls. click image)

Happy 2nd Anniversary Guri Filipino Catholic Community

Dongduchon Filipino Catholic Community

Chonmasan Community 6th Anniversary

Guri Filipino Catholic Community

First Year Anniversary, July 7, 2007