Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon:
“Ang Epifania, ayon sa Katesismo ng Iglesia Katolika, ay “ang pagpapakita ni Hesus bilang Mesiyas ng Israel, Anak ng Diyos at Tagapagligtas ng sanlibutan” (blg.528). Nagpapatotoo sa katotohanang ito ang Ebanghelyo ni Mateo, kung saan hango ang ebanghelyo ngayon. Pangunahing paksa ni Mateo ang katauhan ni Hesus bilang Tagapagligtas at ang simula ng paglaganap ng kanyang Paghahari.
“Ang Epifania, ayon sa Katesismo ng Iglesia Katolika, ay “ang pagpapakita ni Hesus bilang Mesiyas ng Israel, Anak ng Diyos at Tagapagligtas ng sanlibutan” (blg.528). Nagpapatotoo sa katotohanang ito ang Ebanghelyo ni Mateo, kung saan hango ang ebanghelyo ngayon. Pangunahing paksa ni Mateo ang katauhan ni Hesus bilang Tagapagligtas at ang simula ng paglaganap ng kanyang Paghahari.
Sa aklat ni propeta Isaias, ipinangako sa Jerusalem na ito ay “liliwanagan ni Yahweh, at mapupuspos ng kanyang kaluwalhatian”(60:2). Ipinahihiwatig ng propesiyang ito na matutuklasan natin ang tunay na katauhan ni Hesus kung babalikan natin ang kasaysayan ng mga Judio at tatanggapin natin ang pangako tungkol sa Mesiyas ayon sa nakasulat sa Matandang Tipan. Subalit ang pagkilala kay Hesus ay hindi lamamg pagbabalik-tanaw sa kasaysayan ng kaligtasan; kaakibat nito ang pagiging tapat sa pananampalatayang “inihayag ngayon ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu, sa kanyang mga banal na apostol at mga propeta” (Efe 3:5). Sa pagiging tapat sa pananampalatayang ito na tinanggap natin sa Iglesia Katolika tunay tayong magiging “katoliko” (Pangkalahatan), sapagkat tayo’y “may bahagi rin sa mga pagpapala ng Diyos tulad ng mga Judio” at kabilang din tayo sa “iisang katawan at maybahagi sa pangako ng Diyos dahil kay Kristo Hesus” (Efe 3:6).
Ang pananampalataya kay Hesus na nagmula pa sa mga apostol ay higit at kakaiba sa paniniwala ng ibang relihiyon sa mundo na may eksklusibong pananaw at nagsasabing para lang sa iilan (sa mga kasapi lang nila) ang pagpapala ng Diyos. Ang kaibahang ito ay nahahayag sa sinabi ng mga Mago: “Nakita namin sa silangan ang kanyang bituin, kaya’t naparito kami upang siya’y sambahin” (Mt. 2:2).
Nasasaad sa kasulatan na ang mga Mago ay “pinangunahan ng bituing nakita nila mula sa silangan” (Mat 2:9). Bagaman itinuturing ng mga pagano ang mga Mago, ang marubdob na paghahanap nila sa Hari ng mga Hari ay humantong sa pananampalatayang hindi kagagawan ng sariling pangangatwiran o kagustuhan. Ang Diyos ang unang kumilos upang tunay silang “makakita” at ganoon na lamang ang kanilang kagalakan nang masumpungan nga nila si Hesus (Bas. Mt 2:10). Ngunit ang pananampalatayang naghahatid ng kagalakan ay hindi lamang nagtatapos sa pagkakakita sa Panginoon. Ang pananampalatayang ito ay nagiging buhay kapag ang sumasampalataya ay nagpapatirapa, sumasamba at nag-aalay sa Diyos.
Nakalulungkot isipin na marami pa rin ang hindi sumasampalataya kay Hesus. Marami ring mga Kristiyano ngayon ang unti-unti nang tumataliwas sa pananampalataya ng mga apostol sa Panginoong Hesu-Kristo. May mga taong ibinabatay sa kung ano ang maginhawa at madali sa kanila. Mayroon din naming naniniwala (daw) pero hindi naman “sumasamba.” Ang pagdiriwang ng tunay na diwa ng Epifania ay nagpapatunay na ang mga ito ay isang malaking kasinungalingan. Ang mga ito ay hawig sa kasinungalingan ng Herodes: “Hanapin ninyong mabuti ang sanggol. Kapag natagpuan ninyo siya, ipagbigau-alam agad ninyo sa akin upang ako man ay pumunta roon at sumamba sa kanya” (Mt 2:8) Ang paniniwalang walang pagsamba ay huwad; ang pagsambang walang pag-aalay at pagbibigay ng sarili ay isang pagbabalatkayo.
Samakatuwid, ang Kapistahan ng Epifania ay isang paanyaya upang pagnilayan ang tunay na katayuan ng ating pananampalatayang Katoliko: buhay ba ang ating pananampalataya sa paraang may kaakibat itong pagsamba sa Diyos at pag-aalay ng sarili sa kanya?
No comments:
Post a Comment