Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoon:
“Tinanggap ni Hesus ang binyag ni Juan kahit wala siyang kasalanan at hindi niya kailangang magsisi kundi bilang tanda ng pagsisimula ng kanyang paglilingkod sa sambayanan. Ipinahihiwatig dito ang malayang pakikilahok ng Diyos sa kasaysayan ng tao. Siya ang Diyos na may pakialam at may kinalaman sa buhay ng bawat isa sa atin.
Sa pagbibinyag kay Hesus, ipinakikilala ng Ama kung sino siya: “Ito ang aking minamahal na Anak, na lubos kung kinalulugdan” (Mt 3:17). Siya ang ipinahihiwatig na Lingkod ni Yawe na ipinahayag ni Propeta Isaias: “Akong si Yawe ang tumawag sa iyo dahil sa katarungan...gagawin kitang isang tipan para sa sambayanan at liwanag sa mga bansa, upang imulat ang mata ng mga bulag palayain sa bilangguan ang mga bihag at pakawalan sa kulungan ang mga nasa dilim” (42:6-7)
Sa pagpapabinyag, niyakap ni Hesus ang ating pagka-“tao”. Nakibahagi siya sa bawat kwento ng ating buhay: kuwento ng ligaya at kalungkutan, tagumpay at pagkatalo, liwanag at pagtataka, kapayapaan at pagkalito, buhay at kamatayan. Sa paglubog niya sa tubig ng Jordan, ipinahihiwatig ang malayang pagyakap niya maging sa ating kamatayan. Sa kanyang pag-ahon naman, nababanaag na ang tagumpay niya sa kamatayan-ang muling pagkabuhay na handog niya sa lahat. Inaanyahahan tayo sa Kapistahang ito na makisangkot din sa buhay ng ating kapwa. Marami ang naghihirap, nagugutom, nakararanas ng karahasan at puno ng takot sa buhay. May pakialam ba tayo sa pangungulila at malalim na kalungkutan ng kapwa? Tayo’y mga anak ng Diyos. Tayo’y magkakapatid. May pananagutan tayo sa isa’t isa.
Ayon sa isang kuwento, isang babae ang nangibang-bansa upang mamasukan bilang katulong. Sa kasawiang-palad pinagsamantalahan siya ng kanyang amo. Nakatakas nga siya sa kanyang amo ngunit nagbunga naman ang ginawang kahalayan sa kanya. Kinupkop ng isang madre ang babae. Noong manganganak na siya, dinala siya ng madre sa ospital. Nasiraaan sila ng sasakyan sa daan. Napilitan ang madreng iwanan siya sa sasakyan sa gitna ng dilim at nagyeyelong paligid upang humingi ng tulong. Habang wala ang madre, lumabas na ang sanggol sa kanyang sinapupunan. Pinilit na pinutol ng ina ang pusod upang makahinga ang bata. Nanginginig sa lamig ang sanggol. Hinubad ng ina ang lahat ng kanyang damit at ibinalot sa bata. Nadatnan ng madre at ng kumadrona ang sanggol na umiiyak at ang hubad na katawan ng kanyang inang wala nang buhay. Inampon ng madre ang bata. Sa pagdiriwang niya ng kanyang ka-18 na kaarawan, hiniling ng binata sa madre na dalhin siya sa lugar kung saan siya ipinanganak. Nang makarating doon, hiniling ng binata na mapag-isa siya. Hatinggabi rin noon at nagyeyelo rin sa paligid. Hinubad niya ang lahat ng kanyang suot at nahiga sa lugar kung saan siya isinilang. Habang nanginginig sa lamig ay nasabi niya” “Inay, ganito pala kalamig nang ialay mo ang buhay para ako mabuhay.”
Higit pa rito ang pagmamahal at pakikisangkot ng Anak ng Diyos sa ating buhay. Sa ating sariling binyag, tinanggap natin ang utos ng Panginoon: “Magmahalan kayo! gaya ng pagmamahal ko sa inyo, gayundin kayo magmahalan” (Jn 13:34).
~ P. Alex Balatbat ~
No comments:
Post a Comment