101. Sa huling suma, ito ang mismong aral ng Eukaristiya: pagbabahagi ng sarili bilang pagkaing magbibigay buhay sa kapwa. Sa paulit-ulit nating pagsisimba, paulit-ulit ding itinuturo ni Hesus sa atin ang landas Niya, ang landas ng Eukaristiya, ang landas ng kusang-loob at taos pusong pagbabahagi ng anumang mayroon tayo, ng ating buong buhay.
Pagpapatawad (Juan 8:3-11; Lukas 15:1-31; Markos 2:1-12)
102. Hindi lang minsan, kundi maraming beses Niyang itinuro ang landas na ito. At pangunahin na sa mga hindi makaunawa sa simula ay si Juan Bautista. (Lukas 7:18-23) Ipinakilala siya ni Juan Bautista bilang Mesiyas. Ipinahayag na Siya ang hahatol sa mga makasalanan at gagantimpala sa mga matuwid. Kaya’t mula sa bilangguan, nalito siya nang malaman na ang Mesiyas ay nakikisalo sa mga makasalanan. Ito rin mismo ang ikina-iskandalo ng mga pariseo tungkol sa Kanya. Ngunit sinikap pa rin Niyang ituro ang landas Niya: nang ipagtanggol ang babaeng nahuli sa pakikiapid (Juan 8:3-11), nang makisalo Siya kay Zaqueo (Lukas 19:1-10) at kay Levi (Markos 2:14-17), nang isalaysay Niya ang tatlong talinghaga ng patawad: ang nawawalang tupa, ang nawawalang salaping pilak, ang alibughang anak (Lukas 15:1-31).
103. Patawad din ang paraan niya upang mapalakad muli ang lumpo (Markos 2:1-12). Ni hindi Niya hiningi bilang kondisyon ang pagsisi bago siya nagpatawad. Lagi’t lagi, nauuna ang patawad Niya, at ang dalisay na pagsisisi ay nagiging bunga ng paglaya, pagmamahal, at kaligayahan ng taong nakaranas ng patawad. Ang hindi mapagbago ng lipunang mapanghusga ay binago Niya nang lubusan sa pamamagitan ng patawad. Lahat ng pinatawad Niya ay para bang mga patay na bumangon mula sa libingan at nabuhay na mag-uli. Itutuloy…
No comments:
Post a Comment