Bilang mga Katoliko ipinahahayag natin: ‘Sumasampalataya ako kay Hesu-Kristo, iisang Anak ng Diyos...umakyat sa langit, naluluklok sa kanan ng Diyos Amang makapangyarihan sa lahat.’ Ano nga ba ang ibig sabihin ng “pag-akyat” at “pagluklok”?
Pag-akyat: Ang pag-akyat sa langit ay ang pag-akyat ni Kristo sa kanyang kaluwalhatian. Ang kaluwalhatiang ito ay walang iba kundi ang pananahan sa piling ng Diyos Ama. Hindi matutumbasan ng anumang kagalakan o karangalan sa buong sanlibutan at sa panahon ito ang kaluwalhatiang ito. Umaasa tayo na sa wakas ng panahon makakamit din natin ang kaluwalhatiang ito na inilalaan ng Diyos sa ating sa ating pagdating; handa rin ba tayong humarap sa Kanya? Mauunawaan ang pag-akyat ni Kristo sa langit kung pagninilayan din natin ang kanyag naunang pagbaba sa lupa– ang kanyang pagkakatawang-tao. Tulad ito ng isang hagdan na hindi maaaring akyatin kundi muna papanaog. Nasusulat: “Bakit sinabing umakyat siya? Dahil bumaba muna siya sa dakong nasa ilalim ng lupa. Siya mismong bumaba ang siya ring umakyat sa ibabaw ng kalangitan upang punuin ang lahat” (Efe 4:9-10). Ayon kay San Bernardo, may tatlong baitang ng pagpanaog si Kristo: pagkakatawang-tao, pagpapako sa krus, at pagkamatay. May tatlong baitang din ng pagpanhik: muling pagkabuhay, pag-akyat sa langit, at pagluluklok sa kanan ng Ama. Lubos na nagpakababa si Kristo sa lupa kaya’t lubos din siyang itinaas sa kalangitan. Sadyang nakakagulat ang pagpapakumbaba ng Diyos kung ihahambing sa pagmamataas ng tao.
Subalit ang pag-akyat sa langit ni Hesus ay hindi tulad ng pangingibang bayan ng isang OFW o ng isang dayuhan o panauhin lang sa langit si Hesus. Ang langit ang tahanang kanyang pinagmulan. Samakatuwid, ang pag-akyat sa langit ay ang pagbalik o pag-uwi sa Ama na kanyang tunay na tahanan mula pa sa walang hanggan. Anong sarap umuwi sa tahanan ding iyon kung saan ang mga mahal natin sa buhay at ang Diyos mismo ang naghihintay.
Pagluklok: Ang Diyos Ama ang “muling bumuhay kay Kristo at nagluklok sa kanyang kanan sa langit” (Efe 1:20). Ang pagluluklok kay Kristo ay hindi tungkol sa pag-upo sa anumang silya kundi ang kanyang matagumpay na paghahari sa sanlibutan: Naghahari ang Diyos sa mga bansa, nakaluklok ang Diyos sa trono ng kanyang kabanalan” (Slm 47:9). Si Kristo ang “nakaupo” sa trono: makapangyarihan sa buong kalangitan at sangkalupaan.
Ngunit kahit na si Hesus ay nasa piling ng Ama, siya ay totoong nananatiling kapiling din natin sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Siya ang Emmanuel: Diyos na sumasaatin hanggang sa wakas ng panahon. Patuloy siyang namamagitan sa ating mga panalangin doon sa kanan ng Ama. Siya nga ang pinakadakilang Tagapamagitan natin sa Diyos at wala ng iba pa at walang makahihigit sa kanya sapagkat siya lang ang nag-iisang DIYOS-TAO.
Ang pag-akyat at pagluklok kay Hesus ay hamon upang tayo’y manalig, umasa at kumilos. Hindi sapat ang tumingala sa langit at maghintay. May utos ang Panginoon na dapat nating sundin: “Humayo kayo at gawing mga alagad ang lahat ng bansa…”(Mt 28:19). Tungkulin ito ng bawat Kristiyano hanggang sumapit ang araw ng ating sariling “pag-akyat” at “pagluklok” sa piling ng Diyos Ama, Anak at Espiritu Santo. Amen.
~ Khris Emmanuel L. Llacer, SSP ~
No comments:
Post a Comment