Ni: Ederic Peñaflor Eder
Bago ganapin ang pulong ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) nitong Pebrero 26, 2008, naisip kong sa halip na ipagdasal na ang mga obispo ay manawagan ng pagbibitiw ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, dapat ay ipanalangin nating ipakita ng Banal na Espiritu sa kanila ang tamang kalalagyan sa kasalukuyang usapin.
Bago ganapin ang pulong ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) nitong Pebrero 26, 2008, naisip kong sa halip na ipagdasal na ang mga obispo ay manawagan ng pagbibitiw ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, dapat ay ipanalangin nating ipakita ng Banal na Espiritu sa kanila ang tamang kalalagyan sa kasalukuyang usapin.
Masyado na kasing malalim ang kumunoy ng kalintikang kinasadlakan ng ating bayan. Tila kulang ang pagkilos ng mga tao para makaahon tayo. Sa tingin ko, ang anumang gagawin natin ay dapat na may gabay at basbas ng Nasa Itaas.
Nang lumabas na ang pahayag ng mga obispo, hindi nga sila nanawagan ng pagbaba sa puwesto ng reynang akusado ng pandaraya, paulit-ulit na pagsisinungaling, at katiwalian. Sa halip, ganito ang kanilang posisyon:
1. Condemn the continuing culture of corruption from the top to the bottom of our social and political ladder;
2. Urge the President and all the branches of government to take the lead in combating corruption wherever it is found;
3. Recommend the abolition of [Executive Order] 464 so that those who might have knowledge of any corruption in branches of government may be free to testify before the appropriate investigating bodies;
4. Ask the President to allow her subordinates to reveal any corrupt acts, particularly about the ZTE-NBN deal, without being obstructed in their testimony no matter who is involved;
5. Appeal to our senators and the ombudsman to use their distinct and different powers of inquiry into alleged corruption cases not for their own interests but for the common good;
6. Call on media to be a positive resource of seeking the truth and combating corruption by objective reporting without bias and partiality, selective and tendentious reporting of facts;
Bagama’t hindi ako nagulat, medyo na-disappoint ako. Sabi nga ni Prof. Luis Teodoro, kahit ang pinakatiwali ay laging naglalabas ng mga pahayag na kumukondena sa corruption. Ang panawagan din sa media, ayon sa propesor, ay tila umuulit sa laging sinasabi ng mga taga-Malacanang. At idaragdag ko na ring ang panawagan sa mga senador ay tila ganoon din. Laging parinig ng mga maka-administrasyon na ang mga pagdinig sa Senado ay hindi in aid of legislation o para sa paghahanap sa katotohanan, kundi “in aid of grandstanding”. At gaya ng isinulat ko sa blog ko, paano mo makukumbinsi si Arroyo na manguna sa paglaban sa graft and corruption at payagan ang kanyang mga tauhan na isiwalat ang lahat kung ang kanyang asawa mismo ang pangunahing pinagbibintangan sa mga isyu ng katiwalian? Sa panawagan ng mga obispo na ibasura ang EO 464, lumikha na raw si Arroyo ng grupo para pag-aralan ito. Ngunit dapat tayong mag-ingat sa mga pahayag ng isang pamunuang may rekord ng pandaraya at laging nahuhuling nagsisinungaling.
Sa kabilang banda, naisip kong marahil, ang pahayag ng mga obispo ay pagpapakitang nais nilang sa pagkakataong ito’y talagang magmula sa mga tao ang pagbabago. Inulit nila ang panawagan para sa mga communal action gaya ng diskusyon at pag-aaral sa pagitan ng maliliit na grupo. Kumbaga, ang ‘People Power’, kung magkakaroon nito, ay iluluwal hindi ng biglaang emosyon, kundi ng mga indibidwal na ‘realization’ ng tunay nating kalagayan.
Mas gusto ko ring isiping ang kanilang desisyon ay sagot sa kanilang masinsin at paulit-ulit na panalangin bago at pagkatapos ng kanilang mga pag-uusap at debate sa proseso ng pagbubuo ng kanilang pahayag. Sana ganoon nga.
Sapagkat nakalulungkot kung ang pahayag nila’y bunga ng kanilang kahinaan bilang mga tao — mga taong tumatanaw ng utang na loob sa isang reynang napapabalitang mapagbigay sa materyal na mga pangangailangan ng mga obispo at ng Simbahan. O ng mga taong bagamat gusto rin ng pagbabago, ay takot na magambala ang kanilang maalwang pamumuhay.
(Pinoy Gazette, Sunday MARCH 9, 2008)
No comments:
Post a Comment