Lahat tayo ay nakararanas maglakad papuntang Emaus. Ang dalawang disipulo na binabanggit ngayon sa ebanghelyo, kapwa patungong Emaus, ay kumakatawan sa ating lahat na tagasunod ni Hesus.
Malungkot na naglalakad ang dalawa mula sa Jerusalem kung saan si Hesus ay ipinako at namatay sa krus tatlong araw na nakalilipas. Ito ang dahilan kaya’t kapwa sila namamanglaw sapagkat ang Hesus na kinilala nilang guro, kaibigan, at tagapagligtas ay wala na. Umaasa pa naman kaming siya ang tutubos sa Israel, wika nila. Hindi ba’t ganito rin madalas ang ating buntonghininga kapag tinatakasan tayo ng pag-asa at lakas ng loob? Akala ko pa naman … Umaasa pa ako… Nakahihinayang… Nasaan ba kasi ang Diyos? Mga himutok ito ng bigo at nagtatampo kapag ang mga pangyayari sa buhay ay naging taliwas sa kanyang inaasam.
Bigo ang dalawang disipulo sapagkat hindi nila nakamit ang kanilang inaasahan. Umaasa sila sa isang mesiyas o tagapagligtas pero alinsunod sa kanilang pag-uunawa: isang mesiyas na magiting, malakas, at hindi nagpapalupig sa kaaway. Hindi tuloy nila lubos maunawaan o matanggap ang pagliligtas ni Hesus: isang Mesiyas na mapagpakumbaba, mapagtiis at namatay sa krus.
Samakatuwid, ang labis nilang pagkabigo ay dulot ng mahinang pananampalataya sa Diyos at sa kanyang paraan ng pagliligtas. Hindi tuloy sila makapaniwala sa balitang nabuhay na muli si Hesus, ni hindi nila siya nakilala agad na nakisabay sa kanila papuntang Emaus. Ngunit hindi pababayaan ni Hesus na mabulid tayo sa dilim ng lumbay at pagkabigo. Unti-unti niyang ibubunyag ang sarili niya sa dalawang disipulo. Ang daan papuntang Emaus ay mistulang isang proceso ng pagmumulat ng mata ng pananampalataya kay Kristong muling nabuhay.
Sa pagpapaliwanag ng Kasulatan, mula kay Moises hanggang sa lahat ng propeta, ibinunyag ni Hesus sa dalawang disipulo na ang lahat ng naganap sa Mesiyas pati na ang pagdurusa nito ay ay nasasaloob sa plano ng Diyos. Oo, ang kasulatan ay tungkol sa pag-ibig at pagliligtas ng Diyos na nasa katauhan ni Hesu-Kristo. Sa paghahati at pagsasalo ng tinapay, iminulat ni Hesus ang mata ng dalawang disipulo na siya ay tunay na sumasaatin tuwing dumudulog tayo sa kanyang banal na hapag o Eukaristiya. Niloob ni Kristo na ating ipagdiwang ang Eukaristiya sapagkat ang tinapay at alak ay tunay niyang katawan at dugo para sa ating kaligtasan.
Ito ang katotohanang nabunyag sa dalawang disipulo” Buhay si Hesu-Kristo! Buhay siyang tunay sa kanyang Salita (Kasulatan) at buhay siyang tunay sa kanyang Katawan. (Eukaristiya). Sumasaatin siya tuwing ating pinagsasaluhan ang kanyang Salita at Katawan bilang magkakapatid na may bukas na puso at dalisay sa pananampalataya.
Ito ang Emaus: masalimuot na pagbabalik-loob at pananalig sa Diyos, sa kabila ng ating mga pag-aalinlangan at pagdududa. Kailangan lamang nating buksan ang mga mata sapagkat si Hesus ay buhay at kapiling natin tuwina.
~ Kris Emmmanuel L. Llacer, SSP ~
No comments:
Post a Comment