Ika-4 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay:
Ang Mabuting Pastol. Ito na marahil pinakakaaya-ayang larawang ginamit ni Hesus sa natatanging talinghaga sa ebanghelyo ayon kay San Juan upang ilarawan ang tunay na kahulugan sa kanya. Isang malalim na kaugnayan na nagdudulot ng kapayapaan at kaginhawahan gaya ng nasasaad sa Salmo 23: “Ang Panginoon ang aking Pastol pinagiginhawa akong lubos…” Alam ng mga tupa ang tinig ng tunay na pastol, at ang makarinig at makakilala sa tinig na ito ay nabibihag at napasusunod sa kanya.
Ang Mabuting Pastol. Ito na marahil pinakakaaya-ayang larawang ginamit ni Hesus sa natatanging talinghaga sa ebanghelyo ayon kay San Juan upang ilarawan ang tunay na kahulugan sa kanya. Isang malalim na kaugnayan na nagdudulot ng kapayapaan at kaginhawahan gaya ng nasasaad sa Salmo 23: “Ang Panginoon ang aking Pastol pinagiginhawa akong lubos…” Alam ng mga tupa ang tinig ng tunay na pastol, at ang makarinig at makakilala sa tinig na ito ay nabibihag at napasusunod sa kanya.
Ano nga ba ang nasasapuso ng Mabuting Pastol? Paano ba natin siya makikilala? Paano natin malalaman ang kanyang tinig? Si Hesus ang Mabuting Pastol. Ang Mabuting Pastol ay may pusong mahabagin at handang mag-alay ng sariling buhay. Siya’y Pastol na nagbabantay at nagtatanggol sa kanyang mga tupa. Siya’y Pastol na gumagabay patungo sa isang “payapang batisan”. Kahit ano pa man ang mangyari, ang tunay na pastol ay hindi kailan man mang-iiwan o magpapabaya ng kanyang mga tupa. Di nga ba’t noong si Hesus ay nagpakain ng limanlibong katao, siya ay naawa sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol (Mc 6:34).
Si Hesus, ang Mabuting Pastol, ay kapiling natin sa Banal na Sakramento. Kinakalinga niya tayo at binubusog ng kanyang mga Salita na mapagpalaya at nagbibigay buhay. Inaakay niya tayo patungo sa maginhawang pastulan ng Ama sa langit. Sino nga ba ang hindi mabibihag sa kanyang tinig at pag-ibig? Ayon sa ating Santo Papa Benito XVI: Ang tao ay naililigtas ng pag-ibig. Kapag siya ay nakaranas ng dakila at tunay na pagmamamahal sa kanyang buhay, ito ay isang karanasan ng kaligtasan na nagbibigay ng bagong kahulugan sa buhay…(Spe Salvi #26). Si Hesus ang Mabuting Pastol na naglalarawan sa atin ng tunay na pagmamahal at kagandahang loob ng Diyos. Ang taong nakaranas ng kagandahang-loob at nakarinig sa matamis niyang tinig, ay magnanasang hanapin, yakapin at sundan ang tinig na ito. Nanaisin niyang magkaroon ng mas malapit at malalim na ugnayan sa Pastol na nagbibigay ng kaligtasan at buhay na walang hanggan. Ngunit iilan lamang ang nakaririnig ng tinig na ito at sumusunod sa kanya upang ipahayag ang kagandahang-loob ng Diyos. Maraming tupa ngunit kakaunti ang mga pastol… Maraming ani, ngunit kaunti nag manggagawa. Dahil dito, si Hesus ay nakiusap na manalangin tayo: “ Nang makita ni Hesus ang makapal na tao, naawa siya sa kanila sapagkat hirap sila at lupaypay na parang mga tupang walang pastol. At sinabi niya sa kanyang mga alagad: ‘Marami nga ang aanihin at kakaunti naman ang mga manggagawa. Idalangin ninyo sa Panginoon ng ani na magpadala siya ng mg a manggagawa sa kanyang ani’ (Mt 9:36-38).
Sa linggong ito na tinatawag nating “Linggo ng Mabuting Pastol” ay ipinagdiriwang din natin ang Pandaigdigang Araw ng Pananalangin para sa Bokasyon. Ginagabayan tayo ng Mabuting Pastol sa pamamagitan na rin ng mga parin na tinuturing nating mga pastol ng Sambayanang Kristiyano, kasama ang mga taong nag-alay ng kanilang buhay bilang relihiyosa at relihiyoso. Binibigyang kaganapan at makatotohanan ni Hesus ang kanyang larawan bilang isang Mabuting Pastol sa huwarang buhay ng bawat pari. Tunay nga, tulad ng pagpapaalala sa atin ng “Vatican II’, na ang pari ay kumakatawan kay Kristo, ang pinunong pastol ng Simbahan. Tayo ay kanyang tinitipon bilang isang kawan at katawan kung saan siya ang ulo. Ang hamong tuwina ay kung paano natin pinatutuloy ang pag-aalay ng puso ng Mabuting Pastol. Sa ating pananalangin para sa bokasyon upang ang kagandahang loob at pag-ibig ng Ama ay maihasik, suriin din natin ang ating mga sarili. Nakikilala ba natin ang tunay na tinig ng Mabuting Pastol, at hinahayaang mabihag tayo nito? Nakikinig ba tayo sa kanya at pinagninilayan ang mga kataga ng pagmamahal na ibinubulong niya sa ating mga puso, upang ito ay maibahagi rin natin sa iba? Nakikita ba sa ating pagkatao ang larawan ng isang Mabuting Pastol?
~ Sr. Ma. Anthony E. Basa, PDDM ~
1 comment:
Thanks for posting my reflection in your online journal... Keeping you all in my prayers...
Post a Comment