Sa isang patalastas sa telebisyon, matatandaang sinabi ni Andre Agassi, isang sikat na manlalaro ng tennis: “Image is everything.” Ibig niyang sabihin, napakahalaga ng pagkakakilala sa atin ng ibang tao at ang pagkakakilanlan sa atin ay batay sa mga sinasabi at ginagawa natin. Sa madaling salita, nakikilala tayong mabuti o masamang tao depende sa mga naririnig at nakikita ng ibang tao sa atin.
Subalit ang pagpapakatao o pagpapakabuti (pagpapakabanal) ng tao ay hindi lang sariling kagagawan niya. Una sa lahat at higit sa lahat, nagmumula ito at bunga ng kabutihan ng Diyos na nagkaloob ng lahat ng biyaya o charis upang mabuhay ang tao bilang tunay na larawan at kawangis ng Diyos na lumikha sa kanya.
Sa ebanghelyo ngayon, makikita natin sa dalawang pangunahing tauhan ang dalawang uri ng larawan: si Hesus, ang larawan ng mapagpatawad na Ama, at si Zaqueo, ang larawan ng isang taong pinatawad.
Ang Matandang Tipan ay puno ng patotoo na nag Diyos ay mabuti at maawain. Sa aklat ng Karunungan ay nasusulat: “Maawain ka sa lahat sapagkat sa iyo ang lahat, O Panginoon na mangingibig ng buhay” (11:25). Ganito nga kalawak ang sakop ng pag-ibig at awa ng Panginoon na kahit ang mga nawawala at naliligaw ng landas ay mahalaga sa kanya at nararapat lang hanapin. Kaya naman hindi nakapagtatakang ito rin mismo ang naging misyon ni Hesus ang Diyos na nagkatawang-tao: ang “hanapin at iligtas ang nawawala” (Lc 19:10).
Si Hesus ang larawan ng mapagmahal, maawain at mapagpatawad na Diyos. Ngunit hindi ito maunawaan at lalong hindi matanggap ng mga Hudyo na ang Kaharian ng Diyos ay para din sa mga makasalanang nagsisisi at nagnanais tumahak sa tamang landas. Hindi nakapagtataka na pagdudahan ng mga tao si Hesus dahil sa paglapit niya sa mga makasalanan (bas. Lc 19:7). Sa paningin ng marami, si Zaqueo ay makasalanan. Siya ay naglalarawan sa dalawang mundong kanyang ginagalawan: ang mundo ng tiwaling kolektor ng buwis at ang mundo ng mga mayayaman na alipin ng luho at yaman ng daigdig. Subalit sa pagdulog ni Hesus sa kanyang tahanan, nabuksan ang puso at isip ni Zaqueo sa pagsisisi at pagbabago. Nang marinig niya ang mga taong nangungutya sa Panginoon dahl sa pagpasok niya sa tahanan ng makasalanang tulad niya, pinatunayanni Zaqueo na tama si Hesus: “ Panginoon, ibibigay ko sa mga dukha ang kalahati ng aking ari-arian;at kung may nadaya ako, apat na beses ko siyang babayaran”(Lc 9:8)
Noong mga sandaling iyon sa harap ng ating Panginoon, pinagsisihan ni Zaqueo ang kanyang mga kasalanan at nagpasyang magbago. Nagawa niya ito dahil una sa lahat, nakita niyang mapagmahal at mapagpatawad ang Diyos (sa katauhan ni Hesus) maging sa katulad niyang itinuturing na makasalananng lipunang kinabibilangan niya.
Ang pagpapakabanal ay gawa ng Diyos at gawain ng tao. Sabi nga ni Apostol San Pablo: “Tuparin nawa (ng Diyos)...ang lahat ng inyong mabubuting pakay at ang gawa ng inyong paniniwala”(2 Tes 1:11). Nagiging mabuti at banal tayo sa Malaya at bukas-loob na pagtugon natin sa paanyaya ng Diyos (sa pamamagitan ng Espiritu Santo) na makibahagi tayo sa kanyang kabutihan at kabanalan, una sa lahat sa bias ng mga sakramento ng Iglesya.
Nagkakamali ang taong nagsasabing hindi niya kayang magbago at magpakabuti. Ang Panginoong masuyong tumawag kay Zaqueo ay tumatawag din sa bawat isa sa atin ngayon: “Bumaba ka agad. Sa bahay mo nga ako dapat tumigil ngayon” (Lc 19:5).
- David O. Reyes, Jr.-
No comments:
Post a Comment