Welcome to the Changhyun Filipino Catholic Community blogsite !!!

Welcome to Korea Fr. Cedric Alimbuyong

Welcome to Korea Fr. Cedric Alimbuyong
Fr. Cedric replaces Fr. Dong Marcaida. Have a happy, fruitful and blessed days with us all!

Sunday, March 23, 2008

Pag-asa at Pananampalataya


Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay:

Isang kilalang mangangaral at manunulat si george Mcdonald na tubong Eskosya. Isang araw, habang nakikipagkwentuhan siya sa kanyang mga anak na lalaki, napag-usapan nila ang tungkol sa langit at ang pananaw ng mga propeta tungkol sa katapusan ng lahat ng mga bagay. “Napakaganda naman yata niyan; parang hindi pa totoo,” ang sabi ng anak. Nakangiting sumagot si Mcdonald, “Talagang napakaganda kaya nga tiyak na totoo.”

Pag-asa at Pananampalataya. Dalawa sa pinakamahalagang salita sa Bibliya. Sa katunayan, sa pambungad na bahagi ng pinakahuli niyang ensiklikal na Spe Salvi, ipinaliwanag ni Papa Benito XVI ang matalik na kaugnayan ng “malaking pananalig” sa matibay nating “pag-ako sa ating pag-asa” na tinutukoy sa Unang Sulat ni San Pedro (10:22-23). Sinabi pa niya na ang “pag-asa ay katumbas ng pananampalataya” (blg.2)

Ang tunay na sumasampalataya ay umaasa at an tunay na umaasa ay sumasampalataya. Talagang hindi maaaring paghiwalayin ang “pag-asa at pananampalataya.” Ito ang diwa ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon..

May dalawang paraan ng pagtingin sa kasaysayan ng tao at ng mundo. Una, maaari nating tanggapin na ang “karaniwang” mga pangyayari sa buhay ng tao ay karahasan, digmaan, sakit, pagkagutom, kalamidad, kamatayan at kung anu-ano pang kasamaan. Sa ganitong pananaw, magmumukha ngang isang kwentong pambata o isang alamat ang Muling Pagkabuhay. Isang “kakaiba” at talagang hindi karaniwang pangyayari na kahit papaano ay nakapagbibigay ng pag-asa sa atin sa gitna ng mga gamundong pagdurusa.

Pero maaari ding tingnan natin sa muling pagkabuhay na siyang “karaniwang” paraan ng pagkilos ng Diyos, ng pagpapakita niya sa atin ng kanyang pagmamahal. Sa ganitong pananaw, ang nagiging “kakaibang” mga pangyayari ay ang mga suliranin at pagdurusa ng mga tao at ang lahat ng kasamaan sa mundo. Kung ganun, ang Muling Pagkabuhay ang patotoo sa kung ano ang ganap na kahihinatnan ng kasaysayan ng tao. Kung totoong ang Diyos ay pag-ibig at tayo ay kanyang minamahal nang lubos, tiyak na hindi siya papayag na walang magandang pagbabagong mangyayari sa ating buhay. Talagang napakagandang balita nga ito! Sinumang mananampalataya ditto ay tiyak na magkakaroon ng pag-asa.

Nabuhay na ngang muli ang Panginoon. Pero totoong laganap pa rin ang kasamaan sa lipunan. Marami pa rin ang namamataya sa gutom, karahasan at digmaan. Sa ayaw man natin at sa gusto, mamamatay pa rin tayo—sa anong paraan, hindi natin alam. Pero dahil sa naniniwala tayo sa napakagandang katotohanan ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon umaasa tayong magkatotoo rin ito sa ating personal na buhay. Naniniwala at umaasa tayo na ang Muling Pagkabuhay na nangyari “para” sa atin ay mangyayari din “sa” atin.

Kung napagtagumpayan ng Diyos ang kamatayan, walang anumang bagay o nangyayaring hindi niya mapagtatagumpayan. Buo ang ating pag-asa at pananampalataya sapagkat ang Panginoon mismo ang nagsalita at tumupad sa kanyang salita. Bago pa niya harapin ang kanyang kamatayan sa krus, nakapaninindig balahibong tiniyak na ng Panginoon sa kanyang mga alagad: “ Nagdadalamhati kayo sa mundo, pero lakasan ninyo ang loob, ako ay nagtagumpay sa mundo” (Jn 16:33).

~ Jean Rollin Marie I. Flores, SSP ~

No comments:

Onfino Open Event Promo Winners

Onfino Open Event Promo Winners
Nobody's a Loser Only at Onfino! So keep visiting www.onfino.com (pls. click image)

Happy 2nd Anniversary Guri Filipino Catholic Community

Dongduchon Filipino Catholic Community

Chonmasan Community 6th Anniversary

Guri Filipino Catholic Community

First Year Anniversary, July 7, 2007