Ika-4 Linggo ng Kuwaresma:
May apat na “aspeto” ang kuwento ng pagpapagaling ni Hesus sa lalaking bulag na kapupulutan natin ng mga aral…
May apat na “aspeto” ang kuwento ng pagpapagaling ni Hesus sa lalaking bulag na kapupulutan natin ng mga aral…
Una, inihahayag sa himalang ito na si Hesus ang “Liwanag na totoo na siyang tumatanglaw sa mga tao” (Jn 1:9). Kung wala si Hesus, mananatili ang sangnilikha sa kadiliman. Hindi mauunawaan ng tao ang kabuluhan ng kanyang pag-iral at kung saan siya patutungo. Sa pananalita ng Vaticano II: “Tunay na nabibigyang-linaw lamang ang misteryo ng tao sa pamamagitan ng Misteryo ng Salitang Nagkatawang-tao… Kay Kristo at sa pamamagitan niya, nabibigyang liwanag ang misteryo ng hapis at kamatayan, na kung hindi dahil sa Mabuting Balita, ay siyang bumabalot sa atin sa lubos na karimlan” (Gaudium et spes,22). Paano kaya nagiging tunay na Liwanag si Hesus sa pang-araw-araw at praktikal nating buhay? Totoo kayang siya ang Gabay natin at ang mga aral niya sa pagpapasya at mga pagkilos natin sa araw-araw?
Ikalawa, ang paglusong ng bulag sa ilog ng Siloam ay paglalarawan sa bunga ng Sakramento ng Binyag. Sa bisa ng Binyag nalilinis ang “kasalananag mana” natin. Ngunit hindi doon natatapos ang landas Kristiyano. Malinaw ang nahahayag sa kuwento ang unti-unting paglago ng pang-unawa at pananampalataya kay Hesus ng pinagaling na bulag. Sa simula, si Hesus ay isang pangkaraniwang tao lamang para sa kanya (b.11). Sumunod, sinabi niyang si Hesus ang Propeta (b.17) at galing sa Diyos (b.33). Sa bandang huli ay sinamba niya si Hesus bilang “Anak ng Tao”(b. 33). Bilang mga binyagang Kristiyano, ay kailangan din nating palaguin at palalimim ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng pag-aaral sa Salita ng Diyos sa Bibliya at sa pagdiriwang ng mga sakramento. Inaasahan din tayong maging matapang at masigasig na magpapatotoo sa ipinahayag nating pananampalataya sa iisang Diyos– Ama, Anak at Espiritu Santo - at tutupad sa ipinangako nating pagtatakwil kay Satanas at sa kanyang mga gawain kahit na sa harap ng mga hadlang ng mga kalaban ng pananampalataya.
Ikatlo, inaanyayahan din tayong bigyan-pansin ang mga nagmamatigas sa kanilang pagkabulag (Jn 9:18,29,34). Kahit sa kasalukuyang panahon, marami pa ring mga taong ganito at maaaring isa rin tayo sa kanila. Totoong hindi madaling tanggapin ang ating pagkakamali. Hangga’t maaari, bibigyan natin ng paliwanag at katwiran ang mga kahinaan at kasalanan natin. May mga pagkakataon pa ngang sinisisi natin ang ibang tao sa ating pagkakamali. Maaaring totoo ito ngunit hindi hindi ba’t may sarili tayong pagpapasya kung ano ang tama o mali. Ang taong tunay na nagsisisi ay umaamin lang sa sa kanyang pagkakamali at buong kababaang-loob na humihingi ng kapatawaran nang hindi na nangangatwiran pa. At sa pagtanggap niya ng kapatawaran nang hindi na nangangatwiran pa. At sa pagtanggap niya ng kapatawaran, buo ang kanyang loob na magsikap umiwas na magkasalang muli.
Panghuli, ang pagtataboy sa pinagaling ni Hesus (Jn 9:34) ay paalala sa atin na maging matatag sa pananampalataya dahil talagang hindi na madali ang maging Kristiyano lalo na sa mga lugar at mga bansang pinag-uusig dahil sa kanilang pananampalataya. Ipagdasal natin sila at bigyan ng anumang tulong na makakaya natin upang magpakatatag sila sa pananampalataya. Sa pamamagitan ng kanilang mga patotoo bilang mga alagad ni Kristo, nawa’y makilala at tanggapin sa lahat ng panig ng mundo. Maganap nawa sa kanila ang naganap din sa bulag na pinagaling sa diwa ng pananalita ni San Agustin: “Sa wakas, nang mahilamusan ang mukha ng puso at mapadalisay ang budhi, kinilala niya siya hindi lamang bilang anak ng tao, kundi Anak ng Diyos.”
~ Fr. Emmanuel C. Marfori ~
No comments:
Post a Comment