Ang klasikong pelikula na pinamagatang High Noon (1952) ay mas payak at salat sa aksyon kumpara sa mga katulad nitong pelikulang kanluranin o western films na puno ng sagupaan at bakbakan ng mga koboy (cowboys).
Ito ay tungkol sa isang matandang mariskal (marshall) na si Will Kane. Siya ay magbibitiw na sa tungkulin sa araw ng kanyang kasal nang mabalitaan niyamg magbabalik sa kanilang bayan sa araw ding iyon ang grupo ng mga bandido na dati na niyang naipakulong. Magbabalik sila upang maghiganti kay Will at maghasik ng kaguluhan sa bayan, kaya’t hiningi ni Will ang suporta ng buong bayan upang masugpo ang peligrong darating. Ngunit siya ay tinalikuran ng lahat dahil sa takot. Ang mga taong nakisaya sa kanya sa araw ng kanyang kasal, ay sila ring tumalikod sa kanya sa araw ng kagipitan. Buong tapang ng hinarap ni Will ang kanyang mga kalaban na humantong sa isang matinding barilan.
Sa pagdiriwang natin ng Linggo ng Palaspas, ipinapakita sa atin ng mga pagbasa ang kabalintunaan ng sangkatauhan sa harap ng Panginoon. Maririnig natin sa Ebanghelyo ni Mateo sa unang yugtong pagdiriwang ang sigaw ng Israel, “Hosana!” (bas.21:9), na ibig sabihin ay “iligtas mo kami, hiling namin!” Ang pagpupuring ito ay mapapalitan ng sigaw ng panlilibak sa Ebanghelyo sa ikalawang yugto: “Ipako siya sa krus!” (bas. 27:22). Ito ay dahil sa kabila ng pagiging matapat ng Diyos sa sangkatauhan, patuloy pa ring nakalilimot ang tao sa kabutihan ng Diyos. At ang kabutihang ito ay ipinagpapalit ng tao at binabahiran ng dugo ng pagkakasala; “Pananagutan namin at ng aming mga anak ang kanyang dugo.” (27:25).
Subalit ang dugo ay sumasagisag sa buhay at hindi sa kasalanan. Kung kaya ang pananagutanng Israel sa dugo ng Panginoon ay binigyan ni Hesus ng bagong pakahulugan nang o pinananagutan niya ng kanyang dugo ang sangkatauhan. Matatandaang winika ng Panginoon: ‘Sapagkat ito ang aking dugo...na nabubuhos dahil sa marami, sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan’ (Mt 26:28). Kay Hesu-Kristo, ang dugo ay nagkaroon ng bagong pakahulugan na hinding-hindi dapat kalimutan ng lahat ng Kristiyano: ang pagbibigay ng sarili sa kapwa.
“ Ang daan ng matuwid ay patag, iyong pinakinis ang landas ng matuwid.” Ito ay awit ng pagtitiwala sa Panginoon ni Isaias (50:7). At ito rin ang awit natin sa Diyos na nananatiling tapat sa kabilang pagkalimot natin sa kanyang kabutihan. Tayong mga Kristiyano ay binigyan ng halimbawa ng pamumuhay ng tama upang matahak natin ang “daan...at landas na matuwid.” Ayon kay San Pablo, sa pagkakatawang-tao ni Kristo, ang Panginoon ay “nagpakababa sa kanyang sarili , at naging masunurin hanggang sa kamatayan” (Fil 2:8). Bago pa man ito banggitin ng Apostol sa kanyang liham sa mga taga-Filipos, pauna na niyang sinabi ang dahilan ng pagbibigay halimbawa ng Panginoon: “Huwag tingnan ng bawat isa sa inyo ang kanyang sariling kapakanan, kundi ang kapakanan ng iba” (2:4) Sa pagsisimula ng Semana Santa, ang sigaw ng pagkakasala ng mg ananlibak kay Hesu-Kristo ay mapalitan nawa ng ating sigaw ng pananagutan at pagmamahal sa kapwa. Sa gayon, tunay ngang magpakatotoo ang kahulugan ng “Hosana!” “Iligtas mo kami, hiling namin!”
~ Reb. David O. Reyes, Jr.~
No comments:
Post a Comment