Ika-9 na Linggo sa Karaniwang Panahon:
Suliranin ng Iglesya sa kasalukuyang panahon ang tinatawag na mga nominal Christians – mga kristiyano sa pangalan subalit ang uri ng pamumuhay ay malayo sa halimbawa ni Kristo. Totoong Kristiyano nga ba tayo sa isip, sa salita at sa gawa?
Sa ebanghelyo, sinasabi ni Hesus na hindi lahat na tumatawag ng “Panginoon! Panginoon!” ay makakapasok sa kaharian ng langit kundi silang mga tumutupad sa kalooban ng Diyos Ama (Mt 7:21). Ipinababatid sa atin dito ang kahalagahan ng “gawa” at hindi panay “salita lamang. Ang kaligtasan ay makakamit ng taong nagpaparangal sa Diyos sa pamamagitan ng kanyang mabubuting gawain. Walang mabuting maidudulot kung laging bukambibig nga ang pangalan ng Diyos subalit ang asal at pakikitungo naman sa kapwa ay hindi kalugod-lugod sa Diyos. Nasusulat nga na pagpapala ang hatid sa taong sumusunod o nagsasabuhay sa utos ng Diyos at kapahamakan naman sa mga sumusuway nito (Dt 11:27-28).
Ipinapaalala ng ebanghelyo na umiwas tayo sa mga maling akalang tulad nito: “ Maawain ang Panginoon kaya’t sapat na nag tawagin ang kanyang pangalan upang maligtas!” Hindi ito ang tunay na pagpapaubaya sa Diyos-sa halip, isa itong malaking pagpapaubaya sa Diyos-sa halip, isa itong malaking pagpapabaya. Kahit pa ikatwiran ng tao ng nangaral siya sa ngalan ni Hesus o nagpalayas ng mga demonyo at gumawa ng mga himala, sasabihin sa kanya ng Panginoon: “Hindi kita kilala. Lumayo ka sa akin.” Kagilagilalas man ang ating mga pangaral at gawa ngunit kung wala naman tayong personal at matalik na kaugnayan sa Diyos, hindi natin siya kinikilalang tunay. Paano tayo kikilalalanin ng Diyos kung hindi natin siya kinikilala. Kaya’t mahalaga na ang ating salita at gawa bilang bilang mga Kristiyano ay nakabatay sa isang matibay na pakikipag-ugnayan sa Diyos. Sa pang-araw-araw na buhay nangangahulugan ito ng pagmamahal at paglilingkod sa kapwa sa paraan at halimbawa ni Hesus noong siya’y nabubuhay pa sa mundong ito.
Binigyang-linaw ito ni Hesus sa paglalarawan sa dalawang bahay. Ang bahay na nakatayo sa batuhan ay ang taong nakikinig at nagsasabuhay sa utos ni Hesus, samantalang ang bahay na nakatayo sa buhanginan ang taong nakikinig subalit hindi naman nagsasabuhay sa utos ng Diyos. Amg unang bahay ay matibay sapagkat ang pundasyon nito ay si Kristo na siyang Panulukang Bato. Matalino ang tao na ang pundasyon o sandigan ng buhay ay ang Diyos sapagkat dumating man ang mga pagsubok o panganib, hindi siya mapapahamak: “Maging bato ka ng aking kanlugan, matibay na muog na aking kaligtasan” (Slm 31:3). Hangal naman ang taong nagtayo ng kanyang bahay sa buhanginan sapagkat hindi niya kakayanin ang mga hagupit ng buhay. Ang pananampalatayang yari sa buhangin ay marupok at madaling gumuho sapagkat nakasalalay ito sa sariling kakayahan o ng kakayahan ng ibang taong may kahinaan at kakulangan din naman.
May isang awiting itinuro sa amin ng mga katekista noong kami’y mga bata pa” “Si Kristo’ang sandigan, di magigiba. Si Kristo ang sandigan, di magigiba. Kasing tatag ng kabundukan, di magigiba!” Napakasimpleng awitin subalit malalim ang kahulugan. Binubuod nito ang aral ng ebanghelyo: Si Kristo ang tunay na SANDIGANBAYAN– Sandigan ng Bayan ng Diyos. Sinumang lubos na umaasa sa kanya ay makakatagpo ng tunay na kaligayahan, kapayapaan, katarungan, kaligtasan. Sa maikling salita, buhay na walang hanggan.
~ Khris Emmanuel Llacer, SSP
No comments:
Post a Comment