“May ‘pinanganak nang maputi,
May ‘sinilang na maitim.
At may tao ring naninilaw:
Sa ibabaw ng mundo.
Maging ang mata’y iba’t iba.
Ilong ay agad napupuna.
May matangkad at may pandak,
May mataba’t payat…
Kahit dila ay may pag-iiba.
Maririnig pagbabago ng tinig.
Sa pag-iiba ng mga pintig
May malumanay, mayumi…”
Hindi ko malilimutan ang mga titik na ito ng awiting aming ipinanlaban sa Pambansang Patimpalak ng Maramihang Pag-awit, halos 25 taon na ang nakalilipas. Tulad ng karanasan ng nakararami, ang pagkamulat sa pagkakaiba ay nagsisimula sa panlabas na aspeto ng buhay ng tao. Sa paglipas ng panahon, unti-unting namumulat ang tao sa katotohanang maaaring maging hadlang ang mga pagkakaibang ito sa adhikaing pag-isahin ang lahat tungo sa kabutihan at pag-unlad. May mga taong hinahamak, naaapi at natatapakan dahil na rin sa mga pagkakaibang ito. Ang katotohanan ay may mas malalim makapagpalayo sa mga tao. Bunga nito ay mas matinding pang-api o pagbabalewala sa mga itinuturing na “mababa sa lipunan.” Naririyan ang pagkakaiba ng kasarian, pinag-aralan, kapangyarihan, at katayuan sa buhay. Ang katotohanang ito ay matingkad na karanasan ng tao sa kasaysayan. Ito ang ipinahahayag sa ebanghelyo sa linggong ito tungkol sa dukhang si Lazaro at sa mayamang lalaki.
Ang ebanghelyo ay hindi tungkol sa palagiang pag-usig sa mayayaman at pagpuri sa mga dukha. Ito ay tungkol sa kung ano ang maaaring kahantungan ng pagkakaiba ay maging hadlang sa pakikipagkapwa-tao.
May paraan ba upang hindi maging hadlang sa paggawa ng kabutihan ang hindi maiiwasang pagkakaiba ng tao?
Si Hesus mismo sa kanyang mga ipinakitang halimbawa ang sumasagot sa katanungang ito. Si Hesus na nagmahal sa mga dukha at mayayaman, mga banal at makasalanan, mga Judio at Hentil, at sa lahat ng uri ng tao. Maging ang pagkakaiba ni Hesus sa ibang tao ay hindi naging hadlang upang patuloy niyang pag-isahin ang lahat sa ngalan ng pag-ibig.
Ito ang pangkalahatang mensahe ng pagkakatawang-tao ng Anak ng Diyos: Ang kaharian ay isang pag-iral kung saan ang lahat ay pantay-pantay at nagmamahalan sa kabila ng mga pagkakaiba. Ang kaharian na maaaring pasimulan dito sa lupa kung ang bawat isa ay nakikibahagi upang buwagin ang anumang balakid na naghihiwalay sa mga tao.
Isang paanyaya sa bawat tao, lalo na sa mga Kristiyano na pasimulan ang langit dito sa lupa sa pamamagitan ng pagmamahal, pagmamalasakit at paglilingkod sa kapwa nang hindi isinasaalang-alang ang pagkakaiba ng lahi, kulay, paniniwala, pinag-aralan o antas ng pamumuhay. - Fr. Maxell Lowell C. Aranilla
Welcome to Korea Fr. Cedric Alimbuyong
Sunday, September 30, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment